
Sa Likod ng Monday Blues
Sa Likod ng Monday Blues
| Aminah Patrimonio
“Ano ba ‘yan, Lunes na naman!”
Isang buntong-hiningang tila sabay-sabay na bumabalot sa mga pasilyo tuwing unang araw ng linggo. Kasabay ng maagang alarm, mabigat na bag, mga papel na naghihintay ng pagsusulit, at deadline, muling magsisimula ang karera laban sa oras. Para sa maraming estudyante, ang Lunes ay hindi lamang panimula ng klase—ito rin ang araw na sinusubok ang kanilang lakas, disiplina, at sigla.
Sa gitna ng walang humpay na takbo ng mga gawain, madalas maisantabi ang sariling kalusugan. Isang mabilis na almusal, kulang na tulog, at kawalan ng oras para makagalaw ang nagiging karaniwang bahagi ng rutina ng maraming kabataan.

Hindi lamang ito karanasan ng mga mag-aaral sa JCSGO Christian Academy (JCA). Ayon sa World Health Organization, apat sa bawat limang kabataan sa buong mundo ang hindi nakaaabot sa inirerekomendang antas ng pisikal na aktibidad.
Ngunit paano kung ang pinakakinatatakutang araw ng linggo ay maaaring maging simula ng mas mabuting pamumuhay?
Isang Paalala Tuwing Simula ng Linggo
Noong 2014, inilunsad sa JCA ang Healthy Monday sa pangunguna ng punongguro, Ginang Cynthia Genon upang hikayatin ang mga mag-aaral at guro na magsimula ng linggo sa mas malusog na pamumuhay.
Kabilang dito ang Move It Monday, Meatless Monday, at kalaunan ay ang NEW START, na nakatuon sa pangangalaga sa katawan, isip, at espiritu.
“Maraming changes to the point na pati teachers naging conscious with the food that we ate, even yung mga exercises every Monday,” ibinahagi ni Binibining Sherlyn Seriano, guro sa asignaturang P.E.

Paliwanag rin ni Bb. Faye Binasoy, isa ring guro sa P.E., mahalaga ang patuloy na paggabay upang mas maunawaan ng mga mag-aaral ang layunin ng programa. Dagdag pa ni Ms. Cynthia, naging hamon man ang disiplina sa pagkain, mas naging mulat na ang mga estudyante at guro sa kahalagahan ng healthy living.
Higit pa sa Pisikal na Kalusugan
“Besides sa academics na natuturo ng teachers, may naituturo rin tayo sa kanilang madadala nila habang buhay,” ani ni Bb. Binasoy.
Ayon sa 2019 Philippines Global School-based Student Health Survey (GSHS), halos pito sa bawat sampung kabataang Pilipino ang nakalaktaw ng kahit isang pagkain sa nakalipas na buwan. Dahil dito, isinusulong ng Healthy Monday ang NEW START—Nutrition, Exercise, Water, Sunshine, Temperance, Air, Rest, at Trust in God—bilang gabay sa mas balanseng pamumuhay.
Malaki rin ang naging papel ng canteen sa pagpapatupad ng adbokasiya. Kwento ni Miguel Latorre, Operations Manager ng canteen, mas marami nang estudyante ang pumipili ng prutas at iba pang masusustansyang pagkain. Tuwing Meatless Monday, tampok din ang mga pagkaing gulay, habang binabawasan ang matatamis na inumin at pagkaing mataas sa asukal at sodium.

Unti-Unti, Araw-Araw
Isa si Clark Dalumbar ng Grade 11–Selah sa mga nagbago ang food choices dahil sa Healthy Monday.
“I don’t really eat vegetables, but because of Healthy Monday, I learned to eat vegetables. I explored different options that are healthy but tasty at the same time,” aniya.
Para kay Gng. Cynthia, hindi dapat hanggang Lunes lamang ang Healthy Monday. Mas mahalagang maisabuhay ang NEW START araw-araw at iwasan ang labis na sugar, oil, at salt.
At marahil, iyon ang tunay na diwa ng Healthy Monday. Hindi ang gawing espesyal ang Lunes, kundi ang gawing pangkaraniwan ang pag-aalaga sa sarili.
At baka balang araw, mapalitan na rin ang salitang “Ano ba ‘yan, Lunes na naman!” ng “Sa wakas, Lunes na naman!”