
Hindi si Wisely ang Iboboto: Mga Kuwento sa Likod ng Pangalan sa Balota
Hindi si Wisely ang iboboto: Mga kuwento sa likod ng pangalan sa balota
| Ashley General
“Vote wisely!”
Taon-taon itong naririnig. Hanggang sa may isang estudyanteng napatanong, “Sino ba kasi si wisely?”
Isang biro na madaling pagtawanan, ngunit may seryosong tanong na nakatago rito. Ano nga ba ang sukatan ng isang lider? Ang dami ba ng boto? Ang husay magsalita? O ang mga kuwentong hindi nakikita bago sila umakyat sa entablado? Sapagkat sa likod ng bawat pangalang nakalimbag sa balota ay may isang kuwentong hindi nakasulat—kuwento ng isang estudyanteng minsan ding natakot, nagkamali, at natutong bumangon.
Madalas, ang nakikita lamang natin ay ang mga pangalang nakasulat sa mga poster, ang mga pangakong binibigkas sa pangangampanya, at ang mga ngiting nakaharap sa entablado. Ngunit bago pa man sila humarap upang humingi ng tiwala, may mga kuwentong matagal nang hinuhubog—mga kuwentong hindi kayang ikuwento ng isang pangalan lamang.
Sa JCSGO Christian Academy (JCA), sila ang mga tinatawag na Student Council—mga mag-aaral na nagsisilbing tinig ng kanilang kapwa, tulay ng mga suhestiyon at pangangailangan, at katuwang sa paghubog ng mas nagkakaisang komunidad.
Ngunit ang pamumuno ng isang konseho ay hindi nagsisimula sa posisyon.
Opisyal na kinilala at itinakda ng Department of Education (DepEd), sa ilalim ng DepEd Order No. 47, s. 2014, ang pagtatatag ng mga organisasyon ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan. Kabilang dito ang Supreme Pupil Government (SPG) para sa elementarya at Supreme Student Government (SSG) para sa sekondarya, na kalaunan ay pinalitan ng Supreme Secondary Learner Government (SSLG). Bagama’t pangunahing ipinatutupad ito sa mga pampublikong paaralan, maraming pribadong paaralan ang isinusulong din ang parehong layuning bigyang-puwang ang boses ng mga mag-aaral at hubugin sila sa pananagutan, aktibong pakikilahok, at paglilingkod.
Bago sila naging tinig ng iba, kinailangan muna nilang harapin ang sarili nilang mga tanong.
May mga ilaw na agad napapansin. Mayroon ding nagsisimula sa isang munting ningas—tahimik, mahiyain, ngunit patuloy na lumalabas sa nakasanayan. Hindi ito agad nagiging tanglaw. Kailangan muna nitong matutong magningas sa gitna ng mga pagsubok.
Dahil ang isang lider ay hindi nabubuo sa isang araw ng pagkakahalal.
Nabubuo siya sa mga pagkakataong piniling makinig kaysa magsalita, umunawa kaysa manghusga, at tumayo kahit walang kasiguraduhan.
Sapagkat bago nila dinala ang liwanag para sa iba, natutuhan muna nilang hanapin ang liwanag sa kanilang sarili.
Dahil bago sila naging mga lider na makikita sa harap, sila muna ay mga estudyanteng may sariling kuwento, sariling pangamba, at sariling liwanag na patuloy na hinuhubog.
Ito ang mga bagong tinig na magsisilbing tanglaw sa taong panuruan 2026–2027.
Jean Karl Dawal (Presidente): Sino ang mag-aakala?
Hindi siya ang pinakamadaldal sa silid. Sa mga pagpupulong, mas madalas siyang makitang nakikinig kaysa nagsasalita. Habang abala ang iba sa pagbibigay ng opinyon, pinipili muna niyang unawain ang bawat pananaw bago bumuo ng sarili niyang pasya.
Ganoon si Jean Karl Dawal.
Kaya nang mahalal siya bilang pangulo, may mga nagulat. Hindi dahil kulang siya sa kakayahan, kundi dahil hindi siya kailanman naghangad na maging sentro ng atensyon.
“Katulad lang din naman nila ako.”
Iyon ang paraan ng pagtingin niya sa sarili. Hindi bilang isang pangulong mas mataas kaysa sa iba, kundi bilang isang estudyanteng may tungkuling pangunahan ang kapwa estudyante.
Sa totoo lang, hindi rin niya pinangarap ang posisyong iyon. Nagsimula lamang ang lahat sa isang paanyaya ng kaibigan niyang si Angelica o “Jeka.” Ang balak niya noon ay magkaroon lamang ng karanasan at maging bahagi ng konseho. Ngunit habang nakikilala niya ang mga estudyanteng kanyang pinaglilingkuran, unti-unti ring nagbago ang dahilan ng kanyang pananatili.
“Yung mga taong ‘to… parang ako lang din.”
Doon niya nakita ang tunay na halaga ng pamumuno. Hindi ito tungkol sa titulo, kundi sa kakayahang makita ang sarili sa mga taong iyong pinaglilingkuran.
Bago pa man siya naghain ng kandidatura, matagal muna niyang kinausap ang sarili. Alam niyang may kapalit ang bawat responsibilidad.
“Please consider everything na magiging consequences kapag naging leader ka.”
At dumating nga ang mga pagkakataong kinailangan niyang isantabi ang sariling oras, ang pahinga, maging ang ilang personal na plano. Ngunit para sa kanya, bahagi iyon ng pasyang minsan na niyang ginawa.
Tahimik man siya, hindi siya naging sarado sa mga ideya ng iba. Bilang isang lider, natutuhan niyang hindi iisa ang tamang pananaw. Ang bawat opinyon ay kailangang pakinggan, timbangin, at igalang.
“As leaders, we are not chosen because we are qualified. We become qualified because we choose to lead.”
Sa kanyang paniniwala, hindi nagsisimula ang pamumuno sa posisyon. Nagsisimula ito sa kakayahang pamunuan ang sariling isip, asal, at mga pagpapasya.
“Leadership starts with yourself.”
At sa tuwing kinukuwestiyon niya ang sarili kung sapat ba ang kanyang ginagawa, may iisa siyang paalala na hindi niya binibitawan.
“Do this to yourself. Make up for it. Keep going… kasi nandito na tayo.”
Para sa mga susunod na pipiling mamuno, isang larawan ang nais niyang iwan.
“Be Peter. Step out of your comfort zone.”
Sapagkat kung may natutuhan siya sa paglalakbay na ito, iyon ay ang katotohanang hindi hinihintay ng pamumuno ang mga taong handa na. Hinuhubog nito ang mga taong handang humakbang—kahit tahimik, kahit may pag-aalinlangan, basta’t may tapang na lumabas sa sariling bangka.
Mary Joy Curaraton (Pangalawang Pangulo para sa Panloob na Ugnayan): May Joy sa pangalang Mary Joy
Kapag nagsimula ang programa, natural na napupunta ang pansin sa entablado. Naroon ang mga pagtatanghal, palakpakan, at mga alaalang mabubuo sa loob ng ilang oras. Ngunit sa likod ng lahat ng iyon ay may mga taong halos hindi napapansin—abala sa pagtiyak na tama ang cue, maayos ang daloy, at walang maiiwang detalye. Isa sa kanila si Mary Joy.
Saka lamang siya tunay na makakahinga kapag natapos na ang programa at nakita niyang naging maayos ang lahat.
Marahil, hindi rin nagkataon ang “Joy” sa kaniyang pangalan.
Hindi dahil palagi siyang masaya, kundi dahil natagpuan niya ang saya sa kasiyahan ng iba.
“Masaya ako kasi gusto kong nakikitang masaya ang mga estudyante.”
Simple ang dahilan, ngunit iyon ang naging sentro ng kanyang paglilingkod. Hindi niya sinusukat ang tagumpay sa dami ng mga programang naisagawa o sa mga pagkilalang natanggap. Mas mahalaga para sa kanya ang makitang may mga estudyanteng umuuwi na may bagong karanasan at pakiramdam na naging bahagi sila ng isang komunidad.
Hindi siya pumasok nang walang kamalay-malay sa bigat ng responsibilidad. Nang sabihin niyang oo sa paglilingkod, alam niyang may mga oras na kailangang isantabi ang sariling plano.
“Pinasok ko na ‘to, so dapat i-push ko.”
Bago pa man siya maging bahagi ng konseho, isa sa mga unang naniwala sa kakayahan niyang mamuno ay si Ms. Mae—ang dating tagapayo sa kanilang klase. Ngunit hindi iyon ang dahilan kung bakit siya nanatili. Nanatili siya dahil sa bawat aktibidad na naihahanda, nakikita niya ang pagkakataong makalikha ng mga alaalang dadalhin ng mga estudyante kahit matapos ang isang school year.
Hindi nakikita ng marami ang bahaging iyon ng trabaho.
Ang paulit-ulit na pagbabago ng plano. Ang mga pagpupulong na umaabot hanggang hapon. Ang mga oras na ipinagpapalit sa pahinga upang matiyak na magiging maayos ang bawat detalye. Ngunit para kay Mary Joy, sapat na kapalit ang isang simpleng tanawin—mga estudyanteng masayang nagkukuwentuhan matapos ang programa.
May mga laban ding hindi kayang kunan ng litrato.
Hindi ito tungkol sa pagod o sa dami ng gawain. Mas madalas tungkol ito sa sariling emosyon.
“Minsan sa emotions ko at sa mga salitang hindi magandang nasasabi.”
Isa ito sa mga bahaging patuloy niyang hinuhubog sa sarili. Sapagkat natutuhan niyang ang pamumuno ay hindi lamang nasusukat sa kakayahang magpatakbo ng isang proyekto. Nasusukat din ito sa paraan ng pakikitungo sa mga tao—lalo na sa mga sandaling pinakamadaling magsalita nang dala ng emosyon.
Kaya sa bawat responsibilidad na kaniyang ginagampanan, iisa ang prinsipyong pilit niyang binabalikan.
“Always lead with compassion and understanding.”
Para kay Mary Joy, ang pinakamahalagang bahagi ng liderato ay hindi ang makita sa entablado, kundi ang matiyak na may mga taong umalis doon na masaya, narinig, at pinahalagahan.
Marahil, iyon ang uri ng pamumunong hindi madaling mapansin.
Ngunit siya ring uri ng pamumunong pinakamahirap palitan.
Wendy Ayiellah Barit (Pangalawang Pangulo para sa Panlabas na Ugnayan): Tatlong papel, isang paninindigan
May mga araw na tila kulang ang dalawampu’t apat na oras.
Habang ang karamihan ay naghahabol lamang ng mga aralin, may mga taong kailangang pagsabayin ang silid-aralan, entablado, at paglilingkod. Isa na rito si Wendy, na araw-araw ay natututong balansehin ang tatlong mundong magkakaiba, ngunit iisa ang layunin—gampanan ang bawat responsibilidad na kaniyang tinanggap.
Babalik siya sa silid-aralan bilang isang mag-aaral. Pagkatapos ng klase, naghihintay naman ang mga pagpupulong, paghahanda ng mga programa, at iba pang tungkulin bilang opisyal.
Tatlong papel. Isang paninindigan.
Hindi naging madali ang pagsasabayin ang lahat. May mga araw na ang oras na dapat sana’y inilaan sa pahinga ay napapalitan ng ensayo, pagpupulong, at paghabol sa mga school activity. May mga gabing matapos ang isang programa ay bubuksan pa rin niya ang kaniyang kuwaderno upang tapusin ang mga kailangang gawin. Habang ang iba ay pauwi na, nananatili siyang abala upang matiyak na handa ang susunod na gawain.
Ngunit para kay Wendy, ang bawat tungkulin ay may kaakibat na pananagutan.
“Bago ka pumasok sa isang bagay, dapat desidido ka.”
Iyon ang naging paalala niya sa sarili nang tanggapin ang pagiging opisyal. Batid niyang ang pamumuno ay hindi lamang tungkol sa posisyon. Kaakibat nito ang oras na kailangang ilaan, ang pagod na kailangang tiisin, at ang mga pagkakataong kailangang unahin ang kapakanan ng iba bago ang sariling kaginhawaan.
Hindi rin nawala ang mga sandaling napapagod siya. Dumarating ang mga panahong nagsasabay ang mga huling araw ng pagsusumite ng mga gawain, ang paghahanda sa mga programa, at ang iba pang responsibilidad sa paaralan. Ngunit sa halip na panghinaan ng loob, pinili niyang gawing aral ang bawat hamon.
Isa sa mga unang naniwala sa kanyang kakayahan ay ang dati niyang tagapayo na si Sir Miguel Perada, o Sir Migs. Sa kanyang paggabay, natutuhan ni Wendy na ang isang lider ay hindi nasusukat sa dami ng tagumpay, kundi sa kakayahang bumangon sa bawat pagkakamali.
“Hindi porket nag-fail ka ng isang beses, failure ka na.”
May isa pang paniniwalang nagsisilbing sandigan niya sa bawat pasyang ginagawa.
“God first.”
Dalawang payak na salita, ngunit iyon ang naging gabay niya sa paglilingkod. Para kay Wendy, ang pamumuno ay nagsisimula sa pagpapakumbabang kilalaning may Diyos na higit na nakaaalam sa bawat hakbang na kaniyang tatahakin.
Marahil, iyon ang dahilan kung bakit nananatili siyang matatag sa bawat papel na kaniyang ginagampanan—bilang tagapagdaloy ng programa, bilang mag-aaral, at bilang lider. Hindi dahil madali ang pagsabayin ang lahat, kundi dahil pinili niyang panindigan ang bawat responsibilidad na minsan niyang tinanggap.
Tariana Ayesha Gabriel (Kalihim): Ang tinig na unti-unting naririnig
May mga lugar na hindi lamang nagsisilbing paaralan—nagiging tahanan din ito ng mga pangarap na unti-unting hinuhubog ng panahon. Para kay Tariana, ang JCA ay higit pa sa mga silid-aralan, mga pisara, at pasilyong paulit-ulit niyang nilalakaran. Dito niya unang natutunang mangarap nang mas malaki kaysa sa kanyang edad. Dito rin niya unang naranasang ang simpleng pagtataas ng kamay ay maaaring maging simula ng isang responsibilidad.
Grade 2 pa lamang nang una siyang tawagin sa unahan bilang class Vice President. Masyado pa siyang bata upang lubusang maunawaan ang bigat ng posisyong iyon. Ang alam lamang niya, kapag may lider, kailangan siya ang unang kikilos. Kailangang siya ang huling mapapagod. Kailangang sa kanya unang tumingin ang lahat kapag may kailangang ayusin.
Kaya habang lumalaki siya, lumaki rin ang mga inaakala niyang obligasyong kailangan niyang akuin. Bawat baitang ay tila nagdaragdag ng panibagong pahina sa kuwento ng isang batang unti-unting natututong magsuot ng responsibilidad na mas malaki kaysa sa sarili.
Ngunit hindi lahat ng aral ay natututuhan sa loob ng silid-aralan.
May mga pagkakataong ang katahimikan ang nagtuturo kung paano makinig. Ang pagkakamali ang nagtuturo kung paano magpakumbaba. At ang pagod ang nagtuturo na ang tunay na lider ay hindi kailangang pasanin ang lahat nang mag-isa.
Kaya nang dumating ang pagkakataong maging bahagi sila nito, hindi lamang isang bagong posisyon ang kumatok sa kanyang pintuan. Isa itong panibagong pagsubok sa lahat ng paniniwalang matagal na niyang bitbit.
“Kinabahan ako kasi mataas ang position,” pag-amin niya.
Hindi dahil sa takot sa titulo, kundi dahil alam niya ang mga responsibilidad na kaakibat nito. Nakita na niya ang mga pinunong nananatili sa paaralan matapos ang klase, ang mga planong nabubuo sa likod ng mga saradong pinto, at ang mga sakripisyong bihirang mapansin ng karamihan.
Ngunit sa halip na umiwas, pinili niyang yakapin ang pagkakataon.
“Mas marami benefits kapag pumasok ako sa Student Council, hindi lang para sa sarili ko, kundi pati sa alma mater ko.”
Hindi lahat ng lider ay ipinakikilala ng malakas na tinig. Ang iba, unti-unti lamang naririnig—sa bawat responsibilidad na tahimik na tinutupad, sa bawat pusong pinipiling pakinggan, at sa bawat hakbang na inuuna ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili. At marahil, doon nagsisimula ang tunay na pamumuno.
Hindi sa gitna ng pinakamalakas na palakpakan, kundi sa mga pulong na nangangailangan ng masusing pakikinig. Bilang Secretary, hindi siya ang laging nasa unahan ng programa o nasa likod ng mikropono. Mas madalas, nakaupo siya sa isang sulok ng mesa—nakikinig sa bawat mungkahi, sinusundan ang bawat talakayan, at maingat na isinusulat ang bawat desisyong humuhubog sa mga susunod na hakbang ng konseho.
Doon niya unti-unting naunawaan na ang pagiging Kalihim ng ay higit pa sa pagtatala ng katitikan ng pulong at talaan ng pagdalo. Ito ang pagiging saksi sa mga ideyang nabubuo, tagapag-ingat ng mga pangakong binibitawan, at tulay upang walang tinig ng isang JCAian ang tuluyang mawala sa pagitan ng mga pahina.
Marahil, hindi aksidente na ang isang taong mas pinipiling makinig kaysa magsalita ang napunta sa posisyong nangangailangan ng pinakamasusing pakikinig. Habang isinusulat niya ang kuwento, hindi niya namalayang siya rin pala ay unti-unti nang sumusulat ng sarili niyang kuwento bilang isang lider.
Kaya para sa mga JCAian na may pangambang hindi marinig o may salitang tila walang mapagsabihan, isa lamang ang nais niyang ipaabot:
“Kapag wala kayong makausap, let the Student Council be the voice of JCAians.”
At marahil, iyon ang tunay na kahulugan ng “tinig na unti-unting naririnig.” Hindi ang pagiging pinakamalakas magsalita, kundi ang pagdating ng panahon ang isang tahimik na tinig ay nagiging boses na handang makinig, magsilbi, at maging daluyan ng tinig ng iba.
Sophia Delos Trinos (Ingat-yaman): Hindi laging tuwid ang daan sa yapak na dinaraanan
Hindi laging tuwid ang daan. May mga likong humahamon sa paninindigan at mga pagkakamaling nagtatanong kung karapat-dapat ka pa bang magpatuloy. Marahil, iyon ang tunay na pagsubok ng isang lider—hindi ang pamunuan ang iba, kundi ang magkaroon ng tapang na bumangon at muling mamuno.
Bago pa man magsimula ang pulong, siya na agad ang maririnig. Mabilis ang reaksyon, may pabirong banat, at tawang madaling makahawa. Si Sophia ang uri ng taong kayang pagaanin ang buong silid sa simpleng presensiya.
Ngunit pagsapit ng oras ng paglilingkod, ibang Sophia ang makikita. Ang mga biro ay napapalitan ng mga dokumentong kailangang tapusin, mga programang dapat paghandaan, at mga responsibilidad na hindi maaaring ipagpaliban. Habang ang iba ay malayang naglilibot sa paaralan, nananatili siyang nakayuko sa mesa, tahimik na tinutupad ang serbisyong matagal na niyang piniling panindigan.
“Hindi ako magrereklamo kasi isinasakripisyo ko ‘yung mga opportunities na ‘yon. Ginusto ko rin naman ito.”
Hindi rin siya pumasok na puno ng kumpiyansa. Mas marami ang pagdududa kaysa kasiguraduhan, ngunit pinili pa rin niyang sumubok, dala ang paniniwalang walang mawawala sa isang taong handang matuto.
Bago pa man siya maging bahagi nito, una na siyang pinagkatiwalaan ng kaniyang mga kaklase bilang pangulo ng kanilang klase noong Grade 11. Kaakibat ng titulong iyon ang pananagutang manguna, makinig, at maging halimbawa. Ngunit habang tumatagal, unti-unting naging pamilyar ang posisyon. Ang bigat ng tungkulin ay napalitan ng pag-aakalang sapat na ang presensya, hanggang sa hindi na niya namalayang may mga responsibilidad na hindi na niya nabibigyan ng parehong halaga.
Hindi iyon naging simpleng pagkakamali para kay Sophia. Higit sa anumang puna ng iba, ang sariling pagkadismaya ang pinakamabigat niyang hinarap. Doon niya naunawaan na ang pamumuno ay hindi natatapos sa araw ng pagkakahalal. Pinatutunayan ito araw-araw—sa bawat desisyon, sa bawat responsibilidad, at sa bawat pagkakataong pinipiling maging halimbawa.
Sa halip na hayaang ang pagkukulang ang maging wakas ng kanyang kuwento, ginawa niya itong simula ng pagbabago. Tinanggap niya ang mga bahaging kailangan pa niyang ayusin, naniniwalang ang isang lider ay hindi nakikilala sa dami ng tamang desisyon, kundi sa tapang na akuin ang pagkakamali at matuto mula rito.
“May part pa sa ugali ko na kailangan ko pang ayusin para maging best version ko—hindi lang para sa sarili ko, kundi para sa lahat bilang isang lider.”
Mula noon, nagbago rin ang paraan ng kaniyang pagtingin sa liderato. Para sa kanya, hindi ito natatapos sa isang titulo o posisyon. Maaari mang mawala ang katungkulan, nananatili ang pananagutang maging mabuting halimbawa.
“Kahit wala nang role o position, nandoon pa rin naman ang leadership ko.”
Ito rin ang mensaheng nais niyang iwan sa bawat estudyanteng natatakot sumubok dahil minsan na silang nabigo.
“Alisin mo ‘yung mindset na dahil nagkamali ka noon, mauulit mo na lang ulit ngayon.”
Sa huli, hindi ang mga pagkakataong nadapa si Sophia ang naging sukatan ng kanyang liderato. Ang higit na nagbigay-kahulugan sa kanyang paglalakbay ay ang pasyang bumangon sa bawat pagkakamali at huwag hayaang ang nakaraan ang magtakda ng kanyang kinabukasan.
Friends Arvan Liyo (Tagasuri): Isang tapik sa balikat
Sa unang tingin, madaling mapalapit si Arvan. Palakaibigan, masigla, at laging may positibong enerhiya. Ngunit bago niya natutunang manguna, mas matagal muna niyang kinuwestiyon ang sariling kakayahan.
Hindi rin naman niya binalak na maging bahagi ng organisasyon. Sa isip niya noon, sapat na ang maging isang masigasig na mag-aaral. Hanggang sa isang araw, nilapitan siya ng isa sa kaniyang mga kaibigan na si Rinci—isa ring estudyanteng naghahanda noon na tumakbo at subukan ang landas ng pamumuno. Sa gitna ng kanilang pag-uusap, isang panghihikayat ang iniwan nito kay Arvan: bakit hindi rin siya sumubok?
Hindi iyon mahabang usapan at wala ring matitinding pangako. Isang tapik lamang sa balikat at paniniwalang kaya niya. Minsan, ganoon nagsisimula ang isang paglalakbay—kapag may isang taong nakakakita ng kakayahan mo bago mo pa ito makita sa sarili.
“Kaya ko ba ‘to? Itatakbo ko ba ‘to? Seryoso ba ako rito?” paulit-ulit niyang tanong sa sarili.
Gayunman, hindi niya hinintay na mawala ang pagdududa bago kumilos. Pinili niyang sumubok.
“I doubted myself, pero kinaya ko rin sa huli.”
Habang tumatagal, mas luminaw rin ang dahilan ng kanyang pananatili. Hindi ito tungkol sa titulo o pagkilala. Ang nais niya ay maging bahagi ng paghubog ng mas magandang karanasan ng bawat mag-aaral.
“Leadership is for the people. Lahat tayo may kakayahan.”
Hindi naging magaan ang paglalakbay. Alam niyang may mga pagkakataong mapapahiya, mapupuna, at mabibigo siya. Nang tanungin kung paano niya paninindigan ang tungkulin, wala siyang ibinigay na malalaking pangako. Ang naipangako lamang niya ay ang pagsisikap.
“Hindi ko mapapangakong matutupad ang lahat, pero maipapangako kong ibibigay ko yung abot ng makakaya ko
Marahil, doon nasusukat ang isang lider—hindi sa katiyakang hindi siya magkakamali, kundi sa katapatang ibigay ang lahat ng kaya niyang ibigay, araw-araw.
Weine Andreiu Xykhiel Bibera (Espirituwal): Makulit ngunit hangad ang higit
May mga taong madaling marinig bago pa man sila makita. Isang malakas na tawa. Isang biglaang biro. Isang tinig na kayang magpagaan ng mabigat na araw. Ganoon siya unang nakilala ng marami—makulit, madaldal, at laging may baong kuwento.
Ngunit nang dumating ang pagkakataong mamuno, isang tanong ang tahimik na sumagi sa kanyang isip: sapat pa ba ang pagiging sarili kapag may mga matang nakatingin at mga kabataang inaasahang susunod sa iyong halimbawa?
Noong nagsimula ang Grade 11, isa siyang tahimik at mahiyain na mag-aaral. Ngunit pagsapit ng bakasyon bago ang Grade 12, dahil sa mga gawain sa simbahan at sa mga taong kanyang nakasalamuha, unti-unti niyang natutunang lumabas sa kinagisnang hangganan ng kanyang sarili.
“Noong Grade 11, sobrang mahiyain ako. Pero dahil sa church at sa mga taong nakasama ko, unti-unti akong lumabas sa comfort zone ko.”
Kasabay ng paglawak ng kanyang mundo ay ang pag-usbong ng hangaring mamuno. Naging inspirasyon niya si Angelica Ibale upang yakapin ang paglilingkod at sumali sa iba’t ibang samahan. Habang dumarami ang kanyang karanasan, napagtanto niyang ang isang lider ay hindi kailangang akuin ang lahat ng responsibilidad—ang tungkulin niya ay manguna at gabayan ang iba.
Kasabay ng bagong tungkulin ay ang panibagong hamon. Bilang isang opisyal, naisip niyang baka kailangan niyang iwan ang pagiging makulit upang maging huwaran. Ngunit kalaunan, naunawaan niyang hindi kailangang baguhin ang kanyang personalidad. Ang kailangan lamang ay matutuhang gamitin ito sa tamang panahon.
May mga pagkakataong napapagod siya sa bigat ng mga responsibilidad. Ngunit sa tuwing gusto niyang sumuko, bumabalik siya sa dahilan kung bakit niya pinili ang landas na ito.
“Kapag napapagod ako, pinapaalala ko sa sarili ko na pinili ko ito. Pwede akong magpahinga, pero hindi ako titigil.”
At kung may isang mensahe man siyang nais iwan sa mga susunod na mangangarap ding mamuno, ito ang baon niyang aral:
“Lumabas ka sa comfort zone mo. God gave you the ability to achieve—kailangan mo lang magtiwala at magsimula.”
Sa huli, hindi niya kinailangang talikuran ang pagiging makulit upang maging isang lider. Sa halip, natutunan niyang ang isang personalidad na may direksyon ay maaaring maging daan upang mas maraming tao ang maabot, mapakinggan, at mahikayat na sumunod.
Jihanna Rose Javier (Kinatawan ng Ika-11 Baitang) Kung hindi ako, sino?
Sa unang tingin, mahirap basahin si Jihanna o Jia kung kanilang tatawagin. Tahimik. Kalmado. Halos walang emosyon sa mukha. Madalas siyang mapagkamalang mahiyain, at kahit noong Junior High School, ganoon din ang tingin ng marami sa kaniya. Hindi siya ang unang nagsasalita, hindi rin siya ang kusang lumalapit sa iba.
“Noong Junior pa lang ako, hindi ako nakikipag-usap sa iba. Ang impression nila sa’kin, mahiyain. Pero natatakot lang talaga akong magsalita.”
Ngunit may mga katahimikang hindi nangangahulugang walang gustong sabihin. Kailangan lamang nitong matagpuan ang tamang pagkakataon upang marinig. Sa bawat lider na nakikita niyang handang tumayo at magsalita noon, tahimik din niyang naiisip kung darating ang araw na magagawa rin niya iyon.
Hindi na lamang ang sarili ang iniisip niya. Unti-unting napalitan ng isang tanong ang mga pag-aalinlangan:
Kung walang kikilos, sino ang mauunang tatayo?
Hindi rin siya naiiba sa ibang lider na unang kinabahan sa responsibilidad. May mga pagdududa rin siyang kinailangang lampasan. Ngunit sa bawat hakbang, mas nakikilala rin niya ang sariling matagal niyang ikinubli.
“Mas nailalabas ko na ngayon ang totoong boses ko.”
Hindi rin niya hinabol ang pagkilala o ang kasikatang kaakibat ng pagiging opisyal. Ang mahalaga sa kaniya ay ang magkaroon ng pagkakataong magsilbi at maging boses ng mga estudyanteng pinipiling manahimik.
“Hindi ko hinahanap ‘yung kasikatan. Gusto ko lang talagang makapaglingkod sa mga tao.”
Para sa kaniya, walang estudyanteng dapat matakot magsalita. Hangga’t naroon sila, sisikapin nilang maging tinig ng mga hindi pa kayang ihayag ang kanilang saloobin at patuloy na gumawa ng mga hakbang upang higit pang mapabuti ang paaralan.
At sa mga susunod na pipiliing mamuno, dala niya ang aral na minsan ding nagpabago sa kaniya.
“Maniwala ka sa sarili mo. Lumabas ka sa comfort zone. Huwag kang matakot sumugal.”
Marahil, hindi lahat ng lider ay nagsisimula sa malakas na tinig. May mga lider na nagsisimula sa katahimikan—hanggang sa dumating ang sandaling pipiliin nilang magsalita, hindi na lamang para sa sarili, kundi para sa mas nakararami.
Phillip Chester Buena (Kinatawan ng ika-11 Baitang): Higit pa sa apat na sulok
Hindi lahat ng tahanan ay may apat na sulok lamang. Para sa kanya, iyon ang lugar kung saan siya pinakapanatag. Doon niya mas gugustuhin na gugulin ang oras—kasama ang pamilya, sa harap ng kompyuter, at malayo sa ingay ng maraming tao.
Ang bahay ang una niyang inuuwian, at marahil ay ang lugar na pinakakilala siya. Doon umiikot ang malaking bahagi ng kanyang oras—kasama ang pamilya, sa harap ng kompyuter, at sa katahimikang matagal na niyang kinagisnan. Ang pakikisalamuha ay hindi kailanman naging madali para sa kanya.
Gayunman, may isang tungkuling humiling na lumabas siya sa mundong iyon.
Noong elementarya at junior high school, naging opisyal na rin siya ng kanilang klase. Nang dumating ang pagkakataong maging bahagi ng Student Council, hindi niya ito tiningnan bilang isang titulo. Para sa kanya, isa itong pagsubok—kung kaya ba niyang manguna sa mga tao kahit mas sanay siyang manatili sa likuran kaysa sa gitna ng karamihan.
Sa bawat pagpupulong, gawain, at pagkakataong kailangang makipag-usap, unti-unti niyang natutuhan na ang isang lider ay hindi maaaring manatiling nakakulong sa sarili niyang mundo.
Isa sa mga pinakamalaki niyang kinaharap ay ang pakikisalamuha.
“Taong-bahay talaga ako. Pero sinusubukan kong makisalamuha, kasi bilang lider, kailangan marunong kang makisalamuha sa mga tao.”
Ngunit dumating ang panahong hindi na sapat ang manatili sa loob ng sariling mundo.
Unti-unti niyang natuklasan na ang pagiging lider ay hindi lamang tungkol sa paggawa ng mga plano o pagtupad sa mga tungkulin. Higit sa lahat, ito ay ang kakayahang lumapit sa mga tao, makinig sa kanilang saloobin, at maging halimbawa sa mga kilos na nais mong makita sa iba.
“Kapag servant leader ka, dapat ikaw mismo ang maging halimbawa.”
Hanggang ngayon, hindi pa rin nagbago ang kanyang pagkatao. Mas gusto pa rin niya ang tahimik na buhay at ang pananatili sa bahay. Ngunit natutuhan niyang may mga pagkakataong kailangang iwan ang nakasanayang komportable upang magampanan ang mas malaking layunin.
At kung bibigyan siyang muling pumili, hindi magbabago ang kanyang pasiya.
“Pipiliin ko pa rin maging lider, kasi ito ang tumutulong sa akin na mag-step up at matutong makisalamuha.”
Hindi lahat ng lider ay likas na palakaibigan. May mga lider ding mas gustong manatili sa loob ng kanilang sariling mundo. Ngunit kapag pinili nilang lumabas hindi para sa sarili, kundi para sa kapakanan ng iba, doon nagsisimulang maging higit sa apat na sulok ng tahanan ang kanilang mundo—at doon din nagsisimula ang tunay na diwa ng paglilingkod.
Jhade Anne Marie Limbaga (Kinatawan ng ika-12 Baitang): Higit pa sa karangalan
May mga pagkakataong ang unang pumapasok sa isip ng marami kapag narinig ang salitang lider ay ang estudyanteng laging nangunguna sa klase—mataas ang marka, maraming parangal, at tila likas nang inaasahang mamuno. Kaya nang mabigyan si Jhade ng pagkakataong maging miyembro, hindi niya naiwasang tanungin ang sarili.
“Bakit ako?”
Hindi iyon tanong ng isang taong walang kakayahan. Tanong iyon ng isang estudyanteng matagal ding naniwalang ang pamumuno ay para lamang sa mga kinikilalang pinakamahusay.
Aminado siyang dumaan siya sa panahong hindi niya gaanong pinahahalagahan ang pag-aaral. May mga gawaing naisantabi, mga gawain na hinabol sa huling sandali, at mga pagkakataong hindi niya lubusang ibinibigay ang sarili sa mga responsibilidad sa loob ng silid-aralan. Ngunit nang tanggapin niya ang tungkuling maglingkod, unti-unti ring nagbago ang kaniyang pananaw. Natutuhan niya na ang pamumuno ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng posisyon, kundi sa disiplina, pananagutan, at pagiging handang tumayo para sa iba.
Kasabay ng mga bagong tungkulin ay ang mga pagdududang hindi rin niya naiwasang maramdaman. May mga sandaling naitanong niya kung sapat ba ang kanyang kakayahan at kung karapat-dapat ba siyang pagkatiwalaan. Ngunit sa halip na umurong, pinili niyang manatili at ibigay ang lahat ng kanyang makakaya.
“Mas gugustuhin ko pa ring i-push through yung sarili ko sa mga bagay na gusto ko kahit nasasabihan ako na baka hindi matuloy mga projects ko.”
Sa pagdaan ng panahon, isang paniniwala ang tuluyan niyang binitiwan—na ang pamumuno ay nakalaan lamang sa mga nangunguna sa akademiko.
“Kahit hindi ka achiever, nasa kakayahan mo ‘yan. Nasa skills mo, sa knowledge mo, at sa paraan ng pag-lead mo.”
Para kay Jhade, ang tunay na lider ay hindi nasusukat sa marka o sa dami ng parangal na natatanggap. Mas nakikita ito sa taong marunong tumanggap ng pananagutan, handang matuto sa pagkakamali, at may pusong maglingkod sa kapwa.
Iyon din ang mensaheng nais niyang iwan sa bawat estudyanteng nagdadalawang-isip dahil pakiramdam nila ay hindi sila sapat. Huwag hayaang ang marka ang maging sukatan ng iyong kakayahan. Kung may pagkakataong maglingkod, huwag matakot itong tanggapin.
Sa huli, napagtanto niyang ang pinakamahalagang katangian ng isang lider ay hindi ang nakasulat sa report card, kundi ang kahandaang tumayo para sa iba. Sapagkat ang pamumuno ay hindi lamang para sa mga laging nangunguna sa klase—ito’y para sa sinumang handang gamitin ang anumang kakayahan na mayroon siya upang makapaglingkod.
Enzo Baysa (Kinatawan ng ika-12 Baitang): Sa pagitan ng dalawang mundo
May mga taong tila magkaibang tao depende sa kung nasaan sila. Sa loob ng bahay, tahimik. Mas pinipili ang sariling mundo kaysa makihalubilo. Ngunit pagsapit sa paaralan, unti-unting nag-iiba ang ihip ng hangin. Ang dating tahimik na tinig ay natututong makisabay, makinig, at kung kinakailangan, manguna.
Ganoon din ang mundong kinalakihan ni Enzo.
Sa tahanan, mas gusto niyang gugulin ang oras sa harap ng kompyuter—nag-aaral, naglalaro, o simpleng nagpapahinga. Hindi siya iyong kusang naghahanap ng usapan. Ngunit sa paaralan, natutuhan niyang may mga pagkakataong hindi sapat ang manatiling tahimik. May mga pagkakataong kailangang humakbang palabas ng sariling pag-aalinlangan.
Hindi ito nangyari nang biglaan.
Noong Grade 8 at Grade 9, inilarawan niya ang sarili bilang isang mahiyain at hindi gaanong palasalita. Ngunit pagsapit ng Grade 10, unti-unting nagbago ang kanyang pananaw. Hindi dahil bigla siyang naging palakaibigan, kundi dahil napagtanto niyang ang paglago ay nagsisimula sa pagpayag na sumubok.
“Ang trick ko, tina-try kong maging confident sa harap ng ibang tao. Para siyang coping mechanism ko hanggang sa nasanay na rin ako.”
Hindi nawala ang kanyang pagiging tahimik. Natuto lamang siyang magsalita kapag kinakailangan.
Sa paglipas ng panahon, natutuhan niyang paghiwa-hiwalayin ang bawat papel na kaniyang ginagampanan—bilang opisyal ng Student Council, kasapi ng Ignite, at isang mag-aaral. Para sa kanya, ang pamumuno ay hindi dapat maging dahilan upang mawala ang balanse sa iba pang bahagi ng buhay.
Maging ang kanyang pananampalataya ay hindi niya sinusukat sa dami ng pagkakataong nakararating siya sa simbahan, kundi sa lalim ng ugnayang patuloy niyang inaalagaan.
“Mas naniniwala ako sa quality kaysa quantity. Kahit minsan hindi ako nakakapunta sa church, alam kong malapit pa rin ako sa Diyos.”
Sa huli, ang pagiging lider ay hindi nagbago sa kanyang pagkatao. Bagkus, ito ang nagturo sa kanya kung paano gamitin ang kanyang tinig sa mga panahong higit itong kailangan.
“It’s time to rise. Kung mananatili ka lang sa kung ano ang nakasanayan mo, hanggang doon ka lang. Pero kapag pinili mong magsalita, mas marami kang kabataang mai-inspire at mahihikayat na maging mabuting lider.”
Marahil, may mga taong hindi ipinanganak na palasalita. Ngunit kapag natutuhan nilang magsalita para sa iba, doon nagsisimulang marinig ang tunay nilang tinig.
Ang sagot sa likod ng isang boto
At sa huli, marahil ang tanong ay hindi na kung sino si Wisely.
Sapagkat walang isang taong may ganoong pangalan na magtuturo sa atin kung sino ang dapat piliin. Ang sagot ay matatagpuan sa mga kuwentong madalas nating hindi nakikita—sa mga tahimik na pagsubok, sa mga pagkakataong piniling maglingkod kahit walang palakpak, at sa mga sandaling piniling tumayo kahit may pangamba.
Dahil ang isang lider ay hindi nasusukat sa dami ng boto, sa husay ng kaniyang pananalita, o sa taas ng posisyong kaniyang hawak.
Nasusukat siya sa kung paano niya ginagamit ang tiwalang ipinagkaloob sa kaniya.
Sa bawat pangalang nakasulat sa balota, may isang estudyanteng may sariling pangarap, sariling pagkukulang, at sariling kuwento ng paglago. May mga taong minsang nagtanong kung kaya ba nila, ngunit piniling subukan. May mga tinig na minsang hindi naririnig, ngunit natutong magsalita hindi para sa sarili lamang, kundi para sa iba.
Kaya sa pagboto, marahil hindi lamang tayo pumipili ng lider.
Pinipili natin ang kuwento na nais nating bigyan ng pagkakataong magpatuloy.
Dahil bago sila naging tanglaw na hinahanap ng iba, sila muna ang mga ilaw na minsang hinanap ang kanilang sariling ningning.
At ngayong taong panuruan 2026–2027, kilalanin natin sila hindi lamang bilang mga opisyal ng Student Council, kundi bilang mga kabataang patuloy na humuhubog ng sariling liwanag upang magsilbing gabay sa buong komunidad ng JCA.
Kaya sa susunod na marinig natin ang mga salitang “vote wisely,” marahil ang dapat nating itanong ay hindi na, “Sino si Wisely?” kundi, “Sino ang may pusong handang magsilbi kahit walang nakakakita?”