Walang katapusan

Walang katapusan

Walang katapusan

| Daniella Calipus

Kabilugan ng buwán, lumalago ang…

Tuwing Agosto, mas nararamdaman natin ang bawat patak ng ulan at ang lamig ng simoy ng hangin. At sa ikawalong búwan ngayong taon, marami ang maaaring mangyari: ito ang búwan ng iyong kaarawan, simula na ng klase ng karamihan, o hindi naman kaya ay Búwan ng Wika! Samu’t sari na naman ang malalalim na salita, mga tula, at iba pang anyo ng pagpapahayag ng ating wikang pambansa.

Gaya ng bilog na buwán at paulit-ulit na hugis ng numerong walo, patuloy lang ang ikot ng buhay. Ang Agosto ay tuloy-tuloy rin ang selebrasyon sa pamamagitan ng pag-alala sa wikang ating kinagisnan at ang patuloy na pag-usbong nito sa kasalukuyan.

Patuloy ang agos tuwing Agosto

Bago natin nakasanayan ang Búwan ng Wika, naging “Linggo ng Wika” muna ito noong 1946. Lingid sa kaalaman ng karamihan, hindi búwan ng Agosto ginaganap ang Linggo ng Wika noon, bagkus ito ay kadalasang ipinagdiriwang tuwing Marso 29 hanggang Abril 4.

Sa paglipas ng panahon, napansin ni dating pangulong Ramon Magsaysay na hindi masyadong nagkakaroon ng partisipasyon ang mga mag-aaral sa nasabing selebrasyon dahil ito ay bakasyon. Kaya napagdesisyunan niyang ilipat ito tuwing Agosto 13 hanggang 19 noong 1954.

WikAma

Hindi naman magkakaroon ang Pilipinas ng wikang pambansa kung walang mga taong nagsikap na hubugin ito. Gaya ng isang pamilya, ang wika ay may kinikilalang ama—si dating pangulong Manuel L. Quezon. Kinilala si Quezon noong 1955 dahil sa kaniyang malaking ambag sa pagtatatag ng wikang Filipino. Noong 1937, naging batayan ang ‘Tagalog’ sa pagpili ng wikang magiging pundasyon ng wikang pambansa dahil ito ang madalas na ginagamit, na ang ibig sabihin ay taga-ilog.     

Noong 1959, naging ‘Pilipino’ naman ang tawag sa wikang pambansa ayon sa Kalihim ng Edukasyon na si Jose F. Romero, dahil mainam na tawagin itong wika ng buong bansa, hindi lamang sa mga Tagalog o taga-ilog. Lumipas ang ilang taon at hanggang ngayon, ‘Filipino’ ang wikang pambansa sa ilalim ng Konstitusyon ng Pilipinas noong 1987.

Tulay na panghabambuhay

Noon pa man ay marami nang katutubong wika ang mayroon sa Pilipinas, ngunit mainam na mayroong iisang tulay upang magkaroon ng maayos na komunikasyon at pagkakaisa ang mga Pilipino. Dito nagsimula ang pagbuo ng wikang pambansa, na unang ibinatay sa Tagalog at kalaunan ay naging Filipino.

Lahat ay nagbabago, lalong-lalo na ang wika. Dumaan na ang panahon, hindi lamang pangalan nito ang nagbabago, pati na rin ang paggamit at kung paano nakikipag-usap ang mga Pilipino. May mga salitang nadadagdag, may mga salitang unti-unti nang nawawala, at may mga salitang binibigyan ng bagong kahulugan. 

Gaya na lamang ng mga salitang Jejemon, dahil sa teknolohiya at social media, naging tanyag ito noong 2000s. Ito ay kadalasang ginagamit sa text upang maging tulay ng komunikasyon, at ang paggamit nito ay kadalasang ginagamitan ng mga numero, malalaking letra sa pagitan ng maliliit na letra, mga bantas, at mga emoji o emoticon.

At ngayon, patuloy ang paglago ng ating wika. Nagsimula sa “Kumusta ka na?”; ngayon naman ay “Muxta k n?!” Hindi man maintindihan ng karamihan, ganito ang wika—nagbabago at lumalago depende sa paggamit ng tao.   

Marami mang wika ang patuloy na umuusbong at nakaiimpluwensiya sa ating bansa. Lagi-lagi pa ring uuwian ang Filipino dahil mas madali itong matutunan, naging kinalakihan, at  parte ng kultura. Lagi itong magsisilbing tulay upang magkaroon ng maayos na komunikasyon ang bawat isa.

Salinlahi ng wika

Hindi mapapasa sa susunod na henerasyon ang wikang pambansa kung walang magtuturo. Nagsisilbi silang pangalawang magulang natin sa loob ng silid at paulit-ulit silang magbabahagi ng mga kaalamang kailangan natin. Ang patuloy na pagtuturo ng wikang Filipino sa mga mag-aaral at sa iba pang mamamayan ng bansa ay kinakailangan upang mas mapatibay ang komunikasyon at pagkakaisa.

Sa tuloy-tuloy na pagkatuto at pagtuturo, mas napapahalagahan natin ang ating tradisyon at kultura na maipapasa pa natin sa susunod pang henerasyon. Samakatuwid, naging basehan ang paggamit ng wikang Filipino kasama ang wikang Ingles na panturo sa mga paaralan sa ilalim ng DepEd Order No. 20, series of 2025. 

Hindi nagtatapos sa loob ng silid ang pagtuturo ng wika. Maaari rin itong matutuhan habang nag-i-iskrol sa social media. Isa sa mga daan upang matutuhan ang wika sa social media ay ang “Word of the Day” ng ABS-CBN News. Ito ay kadalasang nakikita sa Facebook page at sa iba pang social media platforms. Ito ay naglalayong magbigay ng isang salita sa isang araw na may kasamang kahulugan at kung paano ito gamitin, mapa-Filipino man, Ingles, Jejemon, o Generation Z words. 

Lumalago sa kabilang mundo

Nasa ibang panig man ng mundo ang kanilang mga paa, iisa pa rin naman ang wikang kanilang dinadala. Maraming Overseas Filipino Workers ang patuloy na nagpapalago at nagpapalawak sa paggamit ng ating wika sa pamamagitan ng pagtuturo nito sa ibang tao, lalong-lalo na sa mga bata.

Ayon sa listahan ng Department of Education (DepEd), kasalukuyang mayroong 11 na Philippine Schools Overseas sa Saudi Arabia na sumusunod sa K-12 Curriculum ng DepEd na ang layunin ay turuan ang mga anak ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kahit wala sila sa Pilipinas, gayundin ang pagpapanatili at pagpapalago ng kultura sa iba pang kabataan ng Saudi Arabia.

Sa kabila ng lahat ng ito, maraming gurong Pilipino sa Saudi Arabia ang nahihirapang magturo ng wikang Filipino sa kanilang mga estudyanteng hindi mainam na nagsasalita nito. Ngunit, itinutuloy pa rin nila ang pagtuturo dahil mas napapalawak nito ang pagkatuto ng mga bata sa ating sariling wika.

Bilog ang buwán at paulit-ulit ang pag-ikot ng numerong walo. Gaya ng ating wika, patuloy itong umiikot, nagbabago, at lumalago na maaari pang maipasa sa ating mga apo. Kaya ang Búwan ng Wika ay hindi basta-bastang búwan lamang na nagtatapos kapag sumapit na ang katapusan ng Agosto. Ang ating wika ay lagi-laging aaralin sa loob at labas ng bahay dahil ito ay panghabambuhay.

Kabilugan ng buwán, lumalago ang… wika.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *