Kilalang-kilala ko na ‘yan!

Kilalang-kilala ko na ‘yan!

Kilalang-kilala ko na ‘yan!

| Daniella Calipus

“Kabisado ko na ‘yan eh”

Sumikat ang katagang ito sa social media, partikular sa TikTok platform dahil sa kantang “Kabisado” ng bandang IV of Spades, kung saan madalas itong sinasabi sa isang tao kapag lubos na itong kilala. Bawat galaw ay kabisado, bawat salita ay basang-basa, at ang ugali ay nakatatak na. Na para bang wala nang tanong na dapat pang sagutin at wala nang bago na dapat tuklasin.

Mahilig akong mag-explore ng mga bagay-bagay. Hindi ko nga alam kung sumasabay lang ba ako sa uso o sadyang gusto ko lang talagang matutuhan ang lahat. Kadalasan, laging sinasabi sa akin ng mga kaibigan ko na ang bilis ko raw matutuhan ‘yung ganito, ‘yung ganiyan, ‘yung ganoon, kaya napatatanong na lang sila kung paano ko raw nagagawa. Madali lang naman, inaaral ko kasi kaagad sa loob ng isang araw. Mabilis kasi akong matuto, pero mabilis ding nalilimutan ang mga natutuhan na para bang bula.

Pero minsan napapaisip ako: sa dami kong alam, parang nagiging koleksyon na ng iba’t ibang kasanayan ang aking pagkatao. Sa isang araw kasi, kaya kong pakantahin ang gitara at isabay ang katawan sa bawat kumpas ng mga nota ng musika. Sa isa naman ay binubuo ko ang makulay na rubik’s cube, isang bagay na kayang mabuo sa loob lamang ng isang minuto. Nakikipagsabayan din ako sa pakikipaglaro, pakikipagkaibigan, at pag-aaral. Ngunit, may isang katanungan na mas mahirap pang buuin kaysa sa rubik’s cube—kung sino ba talaga ako.

Kaya ko halos lahat. Kilalang-kilala ako ng mga tao dahil sa mga kaya kong gawin. Ngunit kilalang-kilala ko rin ba ang aking sarili? Saan ba talaga ako magaling? Ika nga ng karamihan, “Jack of all trades, master of none.” Baka nga ganoon ako—maraming kayang gawin, ngunit hindi lubos na magaling sa iisang bagay.

Hindi rin naman ako masisisi ng ibang tao kung mahilig talaga akong sumubok ng kung ano-ano. Ayaw ko namang makulong lang sa isang kahon na may kandado. Gusto kong magbukas pa ng ibang kahon at subukan pa ang ibang bagay na hindi ko pa nagagawa. Sa katunayan, ipinakikita rin ng ilang pag-aaral na may mabuting epekto ang patuloy na pagkatuto sa isip, damdamin, at pisikal na kaanyuan ng isang tao. Kaya ayos lang kung tawagin akong kitikiti o hindi mapirmi sa iisang kahon. Ayos lang kung hindi ako agad magaling. Dahil ang pinakamahalaga sa akin ay ang bagong kaalaman na maaari ko pang maibahagi sa iba.

Mayroon akong talaan ng mga gusto kong matutuhang bagay-bagay, pero hindi lang puro tungkol sa sarili ang naroon—nasa listahan ko rin ang makatulong sa iba. Kasi para saan pa kung kikimkimin ko lamang sa aking sarili ang mga nalalaman ko. Sa pangkatang gawain, kadalasan ako ang nagiging lider at minsan may kamag-aral akong hindi kaya gawin ang isang bagay. Kapag kaya ko namang tulungan, mapasanaysay, tula, o anuman, tinutulungan ko sa abot ng aking makakaya. Dahil ang kaalaman ay hindi lamang nananatili sa utak—mas nagkakaroon ito ng halaga kung ibinabahagi rin sa iba.

Marahil isa rin ito sa mga dahilan kung bakit gusto kong matuto ng iba’t ibang bagay. Kapag may bago akong natututuhan, mas nagiging handa ako sa bawat sitwasyon na aking tinatahak. Isa sa mga mahahalagang katangian ng isang lider ay ang pagiging flexible—ang kakayahang mag-isip ng maraming paraan, lumutas ng problema, at umangkop sa mga panibagong hamon. Kaya may halaga pa rin ang pagkakaroon ng maraming kaalaman kahit hindi ako pinakamahusay sa iisang bagay. 

Sa likod ng pariralang “Jack of all trades, master of none,” siguro maraming tao pa rin ang hindi alam na may kasunod pa ito—“but oftentimes better than a master of one.” Ibig sabihin, hindi man bihasa ang isang tao kahit marami siyang kayang gawin, mas higit naman ito kaysa makulong lang sa iisang bagay. At dito ko talaga maaaring maihalintulad ang aking sarili dahil may mga bagay pa akong dapat tuklasin. Hindi man ako ang pinakamagaling sa iisang bagay, napagtanto ko na mas higit pa pala ang pagkakaroon ng iba’t ibang kasanayan kaysa makulong sa isa lang. Dahil dito, mas nakakapag-isip ako ng maraming paraan at solusyon, at nakatutulong pa ako sa ibang tao na kailangan ito. Hindi man ako dalubhasa sa isang bagay, nagagawa ko namang pagsama-samahin ang aking mga kaalaman upang harapin ang iba’t ibang hamon na dumarating sa akin.

Sa tuwing may bago akong natutuklasan, hindi lang kaalaman ang nakukuha ko. Unti-unti ko ring nakikilala kung sino talaga ako. Natututuhan ko kung hanggang saan nagtatapos ang aking kakayahan, kung saan nagsisimula ang aking mga limitasyon, at kung aling mga bagay ang nais ko pang paghusayin. Sa bawat tuklas, mas nagkakaroon ng lakas na makilala pa ang sarili.

Akala ko puro panibagong kaalaman lamang ang aking hinahanap. Hindi ko namamalayang may iba pa pala akong natatagpuan. Kaya oo, kilalang-kilala ko na ‘yan. Kilalang-kilala ko na ang sarili ko. Hindi dahil alam ko na ang lahat, kundi dahil araw-araw ko pang patuloy na tutuklasin kung sino talaga ako.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *