‘Di lang gamit ko sa eskwela ang bago

‘Di lang gamit ko sa eskwela ang bago

‘Di lang gamit ko sa eskwela ang bago

| Ashley General

Halos dalawang buwan na ang lumipas mula nang natapos ang lahat. Dalawang buwan ang lumipas noong huli nating pagkikita, tila ganon mo nalang yata kalimutan ang nakaraan, kumusta ka na? Nagbago ka na ba?

Tok-tok-tok-tok 

Hayyy… panaginip lang pala, akala ko kung sino na ang nagtatanong.

“Late ka na naman nagising! Dalian mo at mamimili pa tayo ng gamit mo sa pasukan!” Isang malakas na katok ang dumambal sa aking umaga pagkatapos akong sermunan ng aking ina. Grabe ang bilis ng panahon, parang dati lang ay nagkakawalaan ang aking mga panulat kung kaya’t nanghihiram na lang ako sa aking katabi at ang mga pagkakataon na nangbuburaot ako ng papel, tipong pang-limang bilang na sa pagsusulit ngunit heto ako’t namimilit—ayun yata yung mga bagay na hindi magbabago sa akin ngayong pasukan.

At ngayon, heto na naman tayo at mamimili ng panibagong kagamitan. 

Habang naglalakad ako sa pagitan ng mga pasilyo, tahimik akong napapaisip kung nagbago na ba talaga ako sa loob ng dalawang buwan na pagbabakasyon—o dala ko pa rin ang dating ako na laging nagmamadali, nag-iiwan ng gawain, at umaasa sa huling sandali. Parang bawat hakbang ko ay may kasabay na tanong sa isip ko, “handang-handa na ba akong magsimula ulit, o paulit-ulit lamang ang parehong bersyon ko taon-taon?

Habang isa-isang inilalagay sa basket ang mga kuwaderno, bolpen, at lapis, napagtanto kong hindi lamang pala mga gamit ang pinapalitan tuwing pasukan. Kasabay ng pagbili ng bagong papel ay ang unti-unting pagpunit sa aking mga nakagawiang hindi nakatutulong. Kasabay ng pagtasa sa bagong lapis ang pagtasa ng aking sarili para sa mas maayos na bersyon.

Noon, para akong plastik na palaging nagpapaanod sa agos ng katamaran, mga gawain na laging ipinagpapabukas sabay sabing “kaya ‘to ng adrenaline rush” hanggang sa maging bukas na rin ang deadline. Mga proyekto ko na ginagawa sa pagitan ng kaba at puyat, habang ang mga pagsusulit ko naman ay dinaraan sa panandaliang pagrerepaso at tahimik na dasal sabay sabing “kayo na po bahala sa akin.”

Mas madalas din akong manahimik kaysa magsalita. Mas madalas akong umiwas sa recitation kaysa sumubok, pakiramdam ko kasi para akong nilalamon ng mga panghuhusga. Para sa akin kasi ang klase ay parang entablado kung saan ang pagkakamali ay hindi lang simpleng mali—kundi isang bagay na mahirap kalimutan.

Ayon sa mga ulat ng UNICEF (United Nations International Children’s Emergency Fund) Philippines noong nakaraang taon, mataas ang antas ng learning difficulties at academic pressure sa mga mag-aaral sa bansa, kung saan maraming kabataan ang nakararanas ng stress at anxiety na may kaugnayan sa paaralan at performance expectations. 

Tulad ng bawat pagtatapos ng taong panuruan, may mga aral ding hindi naiiwan sa silid-aralan. Dala ko ang mga pagkakamali, ang mga gabing kinulang sa oras, at ang mga pagkakataong panghihinayang dahil alam kong kaya ko namang gumawa nang mas maaga at higit sa lahat ay ang pagkakataon na nakukulangan ako sa kumpiyansa.

Kaya ngayong muli na namang kumakatok ang pasukan, hindi lamang bagong kuwaderno ang nais kong buksan kundi isang bagong kabanata. Ayon sa Department of Education, milyon-milyong mag-aaral ang muling babalik sa mga paaralan ngayong taon—bitbit ang kani-kanilang pangarap, pangamba, at pag-asa. Isa ako sa kanila, ngunit hindi na ako ang parehong estudyanteng palaging nakikipag-karera sa oras.

Marahil ay mananatili pa rin ang ilang lumang ugali—ang pagkawala ng panulat, ang panghihiram ng papel, at ang pagiging makakalimutin sa maliliit na bagay. Ngunit sa pagkakataong ito, nais kong mas maagang magsimula, mas maingat na magplano, at mas matapat na suklian ang mga pagkakataon at kakayahan na ibinigay sa akin ng Maykapal.

Sapagkat hindi lamang ang pagbabalik sa paaralan ang tunay na kahulugan ng pasukan. Ito rin ay ang pagbabalik sa sarili—sa mas matatag, mas responsable, at mas handang bersyon ng taong minsang naligaw sa pagitan ng “mamaya na” at “malayo pa naman ang deadline eh.”

At habang tinatahak ko ang panibagong taon na ito, dala ang bagong mga kagamitan at bagong mga pangarap, napapangiti na lamang ako.

Dahil sa wakas, may isang bagay na rin na tunay na nagbago.

Ako.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *