
Patuloy pa ring sisikat
Patuloy pa ring sisikat
| Jhon Paul Fabiaña
Kay gandang pagmasdan ang takip-silim.
Sa tuwing nasasaktuhan ko ito sa aking kwarto o saanman ako naroroon, para bang kusa akong napahihinto sa aking ginagawa. Hindi ko mapigilang buksan ang aking cellphone at kunan ito ng litrato. Nakapapawi kasi sa mga mata ang pinaghalong kulay pula, kahel, dilaw, at lila na dahan-dahang ipinipinta sa kalangitan.
May kakaibang ganda sa paraan ng paglubog ng araw. Tahimik. Banayad. Para bang bumubulong ito na kahit anuman ang aking kinakaharap ay magiging maayos. Ngunit habang pinagmamasdan ko ito, mayroong isang bagay na lagi kong napapansin. Ito ang katotohanang panandalian lamang ang kagandahang ‘yon. Mawawala rin ang mga kulay na kanina lamang ay kahanga-hanga. Ang liwanag na nagbibigay-buhay sa paligid ay tatabunan din ng gabi.
Kaya may mga taong nagsasabing, “The sunset is beautiful, isn’t it?”
Sa malalim na pahiwatig, gusto na ng isang magkasintahang tapusin ang namamagitan sa kanila. Pero may malalim din itong kahulugang maikukumpara sa parte ng ating buhay—mga bagay na kahit gaano kaganda ay dumarating din sa pagsubok. At sa madilim na parteng ito, haharapin natin ang mga bagay na tila walang katapusan.
Kung iisipin, ganito rin minsan ang napapansin ko sa bansang aking ginagalawan. Maraming kabataan ang may potensyal sa kanilang hangarin, ngunit sinusubok ng panahon. Palagi kasi akong nakakikita ng mga batang imbes na nag-aaral, tumutulong magbukas ng pinto sa convenient store para lamang sa barya. Na sana ay bag ang bitbit sa umaga, bulaklak ng sampaguita ang isinasakay at inilalako sa jeep. Kaya siguro hindi na nakagugulat ang ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na halos 90% ng mga mag-aaral sa Grade 11 ang hirap umunawa sa kanilang binabasa.
Marahil ay nagkukulang sa suporta ang kabataang ito na nag-uudlot sa kanila upang maagang mamulat sa mundo. Laganap pa rin kasi ng katiwalian ang tiwalang dapat sana’y para sa kapakanan ng bayan. Mga nasa itaas na patuloy na nag-aagawan sa puwesto, habang mala-patintero ang buhay ng mga nasa ibaba—nangangapa sa dilim kung paano mairaraos ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Kaya hindi na nakapagtataka kung milyun-milyong Pilipino pa rin ang nangingibang-bansa hindi lang para mangarap, para masigurado rin ang maayos na buhay. Noong 2024, tinatayang 2.19 milyong Overseas Filipino Worker (OFW) ang nasa ibayong dagat, araw-araw inaalagaan ang mga pamilyang hindi naman nila kaano-ano, habang nananabik sa aruga ang kanilang mga anak. Ang iba pa ay nasa peligro ang buhay dahil sa alitan ng mga di magkasundong bansa.
Ganito pala ang pakiramdam ng mga Pilipinong nakararanas ng madilim ng buhay. Nakakunot ang aking noo habang iniisip kung kanais-nais pa rin kayang kagiliwan ang takip-silim kung kapalit naman nito ang mga suliraning nararanasan natin.
Habang nakatihaya’t nakatingin sa aking kisame, napansin ko ang unti-unting pagliwanag ng aking kwarto. Naabutan na pala ako ng umaga sa lalim ng aking iniisip. Binalot ng kakaibang simoy ng hangin ang aking silid habang dali-dali akong sumilip sa aking bintana. Kasabay ng sinag ng araw ay ang pagliwanag din ng ang aking isipan—palaging sasapit ang bukang-liwayway.
“AHHHH!”
Mariing kong napagtanto na kaya pala gano’n lamang ang tumatakbo sa aking isipan ay dahil sa muling paggunita sa pag-angkin natin sa kasarinlan. Panahong matapos ang mahigit tatlong siglo ng pananakop, muling inangkin ng mga Pilipino ang karapatang tawaging kanila ang sariling bayan. Panahong matapos mangapa sa matagal na kadiliman, natutunan nating mahalin at ipaglaban ang ating pagkakakilalan.
Balintuna nga siguro kung iisipin na kung sumuko ang mga itinuturing nating mga bayani noon, baka wala ang bansang pinagtatalunan ng mga nakaupo ngayon. Kung hindi sila nagpatuloy lumaban noon, baka wala tayong kalayaang ipinagdiriwang ngayon.
Tama nga ang kasabihang “Every sunset brings the promise of a new dawn,” ni Ralph Waldo Emerson.
Doon napagtanto ng buhol-buhol kong saloobin na dumaan man ang Pilipinas sa malalim na gabi, nakamit pa rin nito ang pangakong ipinagkaloob ng bagong umaga. Sapagkat sa kabila ng mga balita o problemang nakadidismaya, marami pa ring nagpapatunay na may dahilan upang magpatuloy.
Nariyan ang mga atleta at mga kandidatang taas-noong iwinawagayway ang ating watawat sa pandaigdigang entablado. Mga mamamahayag na patuloy na nagseserbisyo sa publiko nang may tapang at integridad. Mga manggagawang lumalaban nang patas sa gitna ng matinding unos. Mga pamilyang nananatiling buo kahit pinaglalayo ng dagat at panahon. At ang mga buhay na kultura’t tradisyong tanging Pilipino lamang ang makapagbibigay—na hinahangaan din maging ng mga dayuhan.
Marahil ‘yon ang tunay na diwa ng kasarinlan.
Ang pagmamahal sa bayan kahit hindi maayos ang lahat. Ang pagtitiis kahit magulo, kahit tila wala ng saysay. Ang piliing manatili sa dilim ng gabi at maniwalang kaya pa itong gawing mas maliwanag at mas makabuluhan.
Hindi pala dapat ako binabagabag ng aking konsensya na kagiliwan ang dapit-hapon. Bagamat panandalian lang ang ganda nito at tuluyang mapalitan ng kadiliman, palagi akong naniniwala na panandalian lang din ang gabi. Ipipikit lamang ang mata. Magpapahinga, pero hindi bibitaw. Dahil dumaan man tayo rito, hindi mawawala ang pag-asang dala ng pagsikat ng araw.
Wari ay ‘yon ang pinakamabigat na katotohanang dala ng pagiging Pilipino. Na kahit gaano kasakit, kahit gaano kahirap, kahit gaano kadilim, patuloy pa rin ang buhay. Sa lahat ng dahilan upang sumuko, patuloy pa rin ang dahilan upang manatili.
Patuloy pa rin ang dahilan upang mangarap.
Patuloy pa rin ang dahilan upang magpatuloy.
Dahil sa kabila ng lahat, matapos man ang bawat takip-silim, patuloy pa ring sisikat ang bukang-liwayway para baguhin ang mga problemang naiwan sa madilim na gabi.