Chronically online ka ba? 

Chronically online ka ba? 

Chronically online ka ba? 

| Shiela May Salen

“Kumus is ta ka?” “Let him cook.” “Okeych’ed.”

Ilan lamang ito sa mga salitang madalas nating marinig mula sa mga kabataan ngayon. Sa JCA, hindi na rin bago ang ganitong mga slang.

Normal itong ginagamit sa pakikipag-usap ng mga estudyante, lalo na kapag casual lang ang usapan. Pero kapag narinig ito ng ibang age groups, napapaisip sila kung anong lengguwahe ito. 

Para sa mga kabataan, madaling maintindihan ang mga salitang ito dahil palagi nating nakikita at naririnig ang mga ito online. Mula sa TikTok, memes, at iba’t ibang social media platforms, mabilis na kumalat ang isang salita hanggang sa maging bahagi ito ng pang-araw-araw na usapan. 

Minsan, hindi na natin napapansin na slang pala ang ginagamit natin dahil parang normal na itong maging bahagi ng pakikipag-usap. 

Pero hindi naman lahat ng tao ay exposed sa internet gaya ng kabataan ngayon. Kaya kung sabihin natin sa isang nakatatandang “she ate that,” baka ang unang tanong nila ay “Alin ang kinain?” At kapag sinundan pa ito ng “67” at “rage-baited,” baka lalo lang malito. 

Hindi naman dahil hindi sila nakakasabay, kundi dahil iba lang talaga ang lengguwahe na kanilang kinasanayan. 

Kawili-wiling malaman kung paano naging sariling lengguwahe ng isang henerasyon ang slang. Hindi naman kailangang maging chronically online para maintindihan ang lahat, pero malaki pa ring bahagi ang pagiging aktibo sa internet. 

Kung araw-araw kang nasa social media, natural lamang na may mga salitang sumasama sa iyo. 

Hindi kailangang katakutan o iwasan ang paggamit ng slang dahil natural na ito sa mga kabataan ngayon, lalo na  dahil sa epekto ng social media. Bahagi na rin ito ng paraan ng pagpapahayag ng kabataan. Ang mahalaga ay marunong tayong lumugar at alam natin kung kailan ito dapat gamitin. 

Ayon sa isang pag-aaral, may pagkakaiba sa paraan ng paggamit ng kabataan at ng nakatatandang henerasyon sa online conversations. Dahil hindi lahat ng tao ay pamilyar sa mga salitang nauuso online, maaari itong maging sanhi ng hindi pagkakaintindihan, lalo na sa pagitan ng magkakaibang henerasyon.

Dahil dito, may mga naniniwalang hindi dapat basta-basta i-normalize ang paggamit ng slang sa lahat ng pagkakataon. May punto naman ito dahil hindi lahat ng slang ay maiintindihan ng lahat. May mga sitwasyon ding mas kailangan ang malinaw at pormal na pananalita upang maiwasan ang kalituhan. 

Gayunpaman, hindi ko rin masasabi na masama agad ang paggamit ng slang. Sa isang pag-aaral tungkol sa paggamit ng wika ng mga kabataan sa digital writing, sadyang gumagamit ng iba’t ibang paraan ng digital na lengguwahe para sa pagpapahayag, pagiging mahusay sa komunikasyon, at pagpapakita ng sariling boses. 

Ipinapakita nito na hindi nangangahulugang mali agad ang slang dahil lamang iba ito sa pormal na wika o sa nakasanayan ng ibang henerasyon. 

May mga pagkakataon na isang slang word lang ang kailangan para maipaliwanag ang isang buong nararamdaman. 

Hindi naman natin sasabihin sa guro, “Ma is am, hindi ko gets yung les is son,” kahit gaano pa tayo kakomportable sa paggamit nito. 

Hindi naman natin kailangang alisin ang slang sa paraan ng pakikipag-usap ng kabataan. Ang kailangan lamang ay matutong gamitin ito sa tamang pagkakataon at sa tamang kausap. 

Maaari natin itong gamitin sa kaswal na usapan kasama ang mga kaibigan, pero marapat lamang na alam din natin kung kailan mas angkop ang malinaw at pormal na pananalita. 

Sa ganitong paraan, napapanatili natin ang pagiging mapahayag ng ating henerasyon nang hindi nagiging hadlang ang slang sa pakikipag-usap sa ibang tao.

Sa bawat henerasyon, may mga salitang sila lang ang agad nakakaintindi. Baka ngayon, tayo ang kailangang magpaliwanag ng “67” at “rage baited.” Pero baka sa susunod na henerasyon, tayo naman ang mapapaisip at mapapatanong ng “Ano raw?” At imbes na makasabay ay tayo naman ang mapapaisip: “Anong RRL niyan?”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *