
Bakas ng multo
Bakas ng multo
| Daniella Calipus
Alas singko na ng umaga, ngunit patuloy pa rin ang ingay ng alarm sa aking smartphone. Sinisigawan na naman ako nito upang gumising at mag-gayak papasok sa eskwela. Bago tuluyang bumangon sa kama, ramdam ko ang bigat ng paligid. Madilim pa kasi. Naalala ko, Halloween na pala. Samu’t saring costume na naman siguro ang makikita ko sa paligid.
Ayos na ang aking uniporme at bag. Kinuha ko ang aking earphones, isinalpak sa magkabilang tenga, at pinatugtog ang “Multo” ng Cup of Joe.
“Hindi na makalaya, dinadalaw mo ‘ko bawat gabi.”
Alas sais na nang maglakad ako papuntang eskwela. Sumasampal sa aking mukha ang liwanag ng araw. Ngunit pagpasok ko sa aming silid-aralan, madilim pa rin ang paligid. Wala pang tao, at ako pa lamang ang nag-iisang estudyante sa loob. Hindi ko muna binuksan ang ilaw upang makatipid sa kuryente. Sa halip, nanatili akong nakaupo habang nakikinig sa musika at naghihintay sa pagdating ng aking mga kaklase at sa pagsisimula ng klase.
Lagi namang ganito ang ikot ng buhay ko—gigising, gagayak, papasok, at uuwi.
Makalipas ang ilang minuto, unti-unti nang napuno ng ingay ang apat na sulok ng silid. Dumating na ang aking mga kaklase. Bawat isa ay may kaniya-kaniyang ginagawa. May mga nakayuko dahil puyat sa paggawa ng mga takdang-aralin. May mga maingay at halakhak nang halakhak, na para bang walang iniintinding problema. May mga nagrerepaso naman para sa pagsusulit.
May ilan ding tahimik lamang sa kanilang mga upuan, nakatingin sa kawalan habang hinihintay ang pagdating ng guro. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa kanilang isipan. Marahil ay may problema sila sa bahay, nangangamba sa resulta ng mga nakaraang pagsusulit, o napapagod na rin sa paulit-ulit na takbo ng buhay-estudyante.
Hindi ko alam ang tunay nilang pinagdaraanan. Ngunit habang pinagmamasdan ko sila, naisip kong hindi lamang pala sa mga nakakatakot na costume matatagpuan ang mga bagay na tila nanghuhuli sa atin. Minsan, may mga alaalang ayaw tayong tantanan at mga pangyayaring patuloy nating binabalikan kahit matagal nang lumipas.
Lumipas ang araw, ngunit nanatili pa rin ako sa eskwela. May kailangan pa akong tapusin na proyekto at mga gawain para sa isa sa mga organisasyong sinalihan ko. Hindi ako madalas gabihin sa eskwela, ngunit may isang pagkakataong nanatili ako roon hanggang sa mapalitan ng dilim ang liwanag ng araw.
Malinaw pa sa aking isipan ang madilim na pasilyo ng aking eskwelahan noon.
Madilim. Walang tao. Tahimik.
Iyan ang aking nakita at naramdaman noong mga oras na iyon. Ngunit hindi ako tumakbo. Sa halip, hinayaan kong namnamin ang katahimikan at pagmasdan ang kadiliman sa paligid. Walang nakakatakot na aninong humabol sa akin, ngunit may bigat akong nararamdaman. Hindi dahil sa mga multo, kundi dahil sa mga karanasang hindi ko na maibabalik.
Nariyan ang mga desisyong pinagsisihan ko, ang mga gawaing hindi ko naipasa sa tamang oras, ang mga salitang hindi ko masabi kapag nagtatanghal sa harap ng klase, at ang mga sagot na hindi ko mabigkas tuwing may recitation. Mga pagkakataong gusto kong balikan upang itama ang mga pagkakamali, ngunit hindi ko na magagawa.
Hindi nga yata talaga ako makakalaya kung patuloy akong dadalawin gabi-gabi ng mga bagay na pinagsisihan ko. Ngunit naisip kong hindi naman dito nagtatapos ang lahat. Alam kong gigising na naman ako, gagayak, maglalakad, papasok, at uuwi. Paulit-ulit man ang ganitong gawain, may panibagong aral pa rin naman akong maaaring matutuhan sa bawat araw.
Baka sa susunod na paggising ko, hindi na ganoon kabigat ang aking pakiramdam. Hindi dahil tapos na ang Halloween, kundi dahil matututuhan ko nang palayain ang sarili ko mula sa mga bagay na matagal ko nang ikinukulong sa aking isipan.
Noon, maaaring takot ako sa mga multong hindi ko nakikita. Ngayon, mas nauunawaan ko na ang mga multong pinakamahirap takasan ay maaaring nagmumula sa sarili nating mga pangamba at pagsisisi. Dahil sa totoong buhay, hindi lahat ng bagay ay naaayon sa ating kagustuhan. May mga pagkakamaling hindi na maitatama at mga pagkakataong hindi na maibabalik pa.
Ngunit hindi nangangahulugang kailangan nating dalhin ang mga ito habambuhay.
Kung tutuusin, hindi ang mga multo ang pinakamahirap harapin, kundi ang mga katotohanang ayaw nating tanggapin. At marahil, ang unang hakbang upang makalaya ay ang matutong tanggapin na hindi na natin mababago ang nakaraan, ngunit maaari pa nating baguhin ang paraan na pagharap natin sa kasalukuyan at sa kinabukasan.