JCAians, naghasik ng talento sa buwan ng wika

JCAians, naghasik ng talento sa buwan ng wika

JCAians, naghasik ng talento sa buwan ng wika

| Jayden Tuñacao at Daniella Calipus

Nagpamalas ng talento ang mga estudyante ng bawat departamento sa mga patimpalak nitong Agosto bilang komemorasyon ng Buwan ng Wika na may temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”

Noong Agosto 24, nagtagisan ang mga estudyante sa tatlong patimpalak: Junior High School (JHS) Tagisan ng Talino, Grade School (GS) Awiting Bayan at Malikhaing Pagkukuwento.

Samantala, nitong Setyembre 1 ay ginanap ang Kainang Bayan ng bawat departamento: ECE sa Central Hall at ang GS at JHS sa kani-kanilang silid-aralan ng bawat baitang at seksyon.

Sa sumunod na araw, Setyembre 2, nagdiwang ng Kamayan ang departamentong SHS at rumampa naman sa Filipino Costume Parade ang representatibo ng bawat seksyon sa Central Hall.

Early Childhood Education (ECE)

Nagdiwang ang mga estudyante ng ECE kasama ang kanilang mga magulang at guro sa Kainang Bayan. 

Nagtanghal ang mga estudyante ng kanilang pagsayaw at pag-awit gamit ang wikang Filipino bilang pagrespeto at pagkilala sa Wikang Pambansa.

Grade School (GS)

Humimig ng awiting bayan ang mga mag-aaral ng GS sa silid-aralan ng 12 – Rapha.

Ayon sa nakapanayam na magulang na si Dr. Lorenzo Dayao Jr., pinaghandaan talaga nila ang patimpalak na ito para sa kanilang anak na si Margaret Kate Dayao, isa mga naging kahalok mula sa Baitang 3. 

Aniya, ang ganitong mga patimpalak ng paaralan ay nakabubuti para sa mga mag-aaral dahil nababawasan ang hiya at mas tumataas ang kanilang self-confidence.

“…kahit anong mangyari, manalo o matalo, at least ginawa niya for the glory of God, panalo na siya ka agad.”

Sa parehas na araw ay nagsalaysay naman ng maikling kwento ang mga kalahok mula GS sa silid na Psalm gamit ang aklat na “Mga Paruparong Dagat ni Inang” na isinulat ni John Romeo Venturero at iginuhit ni Ray Nazarene Sunga.

Binigyan ang bawat mag-aaral ng pagkakataong ipakita ang kanilang sariling paraan ng pagkukuwento at paglalahad sa nasabing aklat.

Ibinida naman ng mga mag-aaral sa GS ang kanilang talento sa sining sa pamamagitan ng pagbuo ng poster sa silid-aralan ng Shalom gamit ang temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”

Junior High School (JHS)

Nakipagtagisan ang mga mag-aaral mula Baitang 7 hanggang 10 sa nasabing patimpalak, sa silid-aklatan ng GS.  

Sinubok ang kanilang kaalaman at kasanayan sa iba’t ibang paksa sa asignaturang Filipino, na kung saan harapan ang mga kalahok mula sa magkaparehong baitang.

Samantala, nagpakitang-gilas naman sa pagsasalita ang mga mag-aaral mula Baitang 9 at 10 Ekstemporaryong Talumpati na ginanap sa JHS Library.

Binigyan ang bawat kalahok ng dalawang minuto upang maghanda bago ihayag ang kanilang saloobin tungkol sa paksang “AI at Wika sa Kasalukuyang Panahon.”

“Nagkaroon ako ng dagdag na karanasan sa mga biglaang talumpati na hindi ko masyadong binibigyang-pansin dati,” pahayag ni Eliza Summer Bautista, isang kalahok.

“Mas lalo ko rin naunuwaan ang AI at wika sa kasalukuyan sa pamamagitan ng paglahad ng aking opinyon sa mga epekto nito sa aking talumpati,” dagdag niya.

Noong Setyembre 1 naman ay nagsalo-salo at naglaban ang bawat seksyon sa kainang bayan sa pamamagitan ng pagdisenyo ng kanilang mga silid-aralan na nakahanay sa kanilang nakuhang rehiyon.

Hinati ang paligsahan sa dalawang kategorya: baitang 7 hanggang 8 at baitang 9 hanggang 10.

Natapos ang mga patimpalak ng JHS sa Dueto ng Awiting Bayan na kung saan naglaban ang mga dueto sa pamamagitan ng kanilang mga boses.

Hinati rin ito sa dalawang kategorya: baitang 7 hanggang 8 at baitang 9 hanggang 10.

Senior High School (SHS) 

Tradisyunal at kultural ang bawat kasuotan ng mga mag-aaral mula sa SHS, kasabay nito ang Kamayan na may iba’t ibang palamuti sa kaniya-kaniyang silid-aralan at mga pagkaing Pilipino na pinagsaluhan.

Rumampa at nagpakitang-gilas naman ng malikhaing mga kasuotan mula sa kaniya-kaniyang komunidad ang Lakambini at Lakandulan ng bawat seksyon sa Filipino Costume Parade.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *