Hindi lahat ng Bayani ay may monumento

Hindi lahat ng Bayani ay may monumento

Hindi lahat ng Bayani ay may monumento

| Carl Castro

Ang tunay na kabayanihan ay hindi nangangahulugan na kailangang magkaroon ng estatwa sa gitna ng plaza; madalas maaaninag mo ito sa maruming tisa ng tsok, sa pudpud na tsinelas, at sa pawis ng mga pangarap na itinatawid araw-araw.

Sa gitna ng nakakapagod na araw, halos gumagapang ang bawat minuto na mabigat ang dibdib ko sa loob ng silid. Subalit biglang huminto ang ingay nang biglang umalingawngaw ang mabilis na yapak sa lapag, kasunod ang marahang pagkaluskos ng bumukas na pinto. Ang kaninang maingay at magulo naming silid-aralan ay agad na nabalot ng nakababahalang katahimikan.

Tumayo ang aming guro sa harapan. Walang paunang babala, tuloy-tuloy at buong husay siyang nagsalita sa wikang Filipino—mga salitang may ritmo, lalim, dinamiko, at dating na tila musika sa aming pandinig.

Sa unang ilang segundo, namayani ang pagtataka. Bakit biglang nagbago ang ihip ng hangin? Nang magliwanag ang projector at bumungad ang presentasyon sa pisara, nagkaroon ako ng kalinawan—mabilis na napalitan ng pambihirang init at saya sa puso ang aking pagtataka.

Sa gitna ng talakayan, biglang may sumagi sa aking isipan: ang National Heroes Day. Sa tuwing mababanggit ang araw na ito, kusa at mabilis na dumadaloy sa ating isip ang mga pangalang tulad nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, o Emilio Aguinaldo. Sila ang mga mukhang nakalimbag sa mga libro at mga estatwang matayog na nakatayo sa mga parke.

Ibinaling ko ang aking tingin sa bintana, pinagmasdan ang simpleng paggalaw ng mundo sa labas, at napaisip, “Basehan ba ang monumento upang maturingan na isang bayani ang isang tao?”

Kaagad ko na ibinalik ang tingin sa aming guro na buong sigasig na nagtuturo sa kabila ng pawis at pagod.

Hindi lamang ito simpleng propesyon kundi isang tahimik na pakikibaka; sa ulat ng Philippine Star, ibinahagi ng mga pampublikong guro ang mapait na katotohanang kailangan pa nilang maglakad ng ilang oras sa gitna ng putikan at tumawid sa umaapaw na mga ilog upang marating lamang ang kanilang mga estudyante. 

Sa kabila ng mga balakid na ito, bukal sa loob pa rin nilang ginagastos ang sariling maliit na suweldo upang bumili ng mga pangunahing kagamitan sa klase—isang buhay na patunay na ang tunay na kabayanihan ay hindi naghihintay ng malaking pondo o parangal, kundi umaagos mula sa walang patid na malasakit para sa kinabukasan ng kabataan.

Bagaman sa aming silid, hindi tumatawid sa ilog ang aming guro o bundok, batid ko ang bigat ng kaniyang pasanin: ang paghahanda ng lesson plans, pag-check ng mga papel hanggang hatinggabi, at ang walang patid na pag-unawa sa iba’t ibang pag-uugali naming mga mag-aaral—lahat para lamang maitawid ang aming kinabukasan.

Ngunit hindi nagtatapos ang kuwento ng kabayanihan sa loob ng silid-aralan. Naputol ang aking pag-iisip nang umalingawngaw ang bell ng paaralan—uwian na.

KRINGGGGG!!

Paglabas ko, sinalubong ng aking balat ang pawis at init ng papalubog na araw. Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan kasabay ng hudyat na uwian na. Sa gitna ng kulay-abong usok at sigawan ng mga barker, umalingawngaw ang pamilyar at maingay na ugong ng tambutso—ang pag-angil ng makinang na nag-aanyaya. Silang mga “Hari ng Kalsada,” nakasabit sa gilid ng manibela, patuloy na nagpapagulong sa maingay at makulay nating mundo.

Gising na ang ating mga drayber ng jeepney bago pa man pumutok ang araw. Ayon sa mga datos mula sa ABS-CBN ukol sa transportasyon, ang humigit-kumulang 200,000 na pampublikong jeep sa buong bansa ang nagtatawid sa humigit-kumulang 40 milyong biyahe ng mga Pilipino araw-araw.

Sa gitna ng mahabang 12 hanggang 16 na oras ng pagbiyahe, kasama ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at ang maliit na natitirang “boundary” na madalas ay ₱200 hanggang ₱300 na lamang bawat araw, hawak pa rin nila nang buong sipag ang manibela. Ang bawat pumasadang biyahe ay hindi lamang paghahanapbuhay, kundi ang literal na pagpapatakbo sa gulong ng ekonomiya ng bansa.

Kaagad akong pumasok sa loob ng jeep, mahigpit na humawak sa bakal habang itinatanaw ko ang nagmamadaling paligid. Sa bawat pag-usad ng sasakyan, tila nagbukas ang isang buhay na kuadro ng mga mukhang tahimik na kumukumpas sa buhay ng lungsod.

Sa gilid ng kalsada, naabutan ng aking paningin ang isang TUPAD worker—nakatakip ang mukha ng tuwalya habang buong-sipag na winawalis ang natitirang kalat sa daluyan ng kalsada, pilit na pinapanatiling maayos ang kapaligiran. Sa gitna ng nag-aalimpuyong intersection, nakatayo ang isang traffic enforcer; basang-basa man ng pawis ang kaniyang uniporme sa ilalim ng nakapapasong sikat ng araw, patuloy pa rin ang kaniyang matatapang na kumpas upang ayusin ang magulong buhol ng trapiko at itawid nang ligtas ang mga mamamayan.

Sa kabilang kanto naman, humaharurot ang isang delivery rider na may bitbit na malaking insulated bag sa kaniyang likod. Nakikipag-unahan man sa oras, ulan, at usok ng kalsada, bitbit niya sa kaniyang dalawang gulong ang pag-asa na makapag-uwi ng kita para sa pamilya habang naghahatid ng parcel sa pintuan ng iba.

“PARA PO!”

Buong lakas kong isinigaw matapos makitang malapit na ako sa aming pintuan. Sa pagbaba ko ng jeep, salubong agad sa aking ilong ang nakaliligayang amoy ng ulam na bagong luto ni Mama—isang init na agad na nagpawi sa pagod ng buong araw. Sa loob ng tahanan, nariyan si Mama na laging handang mag-asikaso nang walang kapantay na malasakit, habang sa malayo naman ay naroon si Papa, patuloy na nagpapakapagod sa kaniyang trabaho upang siguraduhing maibigay ang lahat ng aming pangangailangan.

Sa pagtatapos ng araw, doon ko lubos na naunawaan ang tunay na diwa ng kabayanihan.

Ang kabayanihan pala ay hindi nagsisimula sa estatwa sa gitna ng plaza, sa panulat ng mga historyador, o sa pagbuwis ng buhay sa gitna ng bakbakan. Ito ang araw-araw na pagpiling magmahal, maglingkod, at magsakripisyo para sa kapwa—sa silid-aralan man, sa kalsada, o sa sarili nating hapag-kainan.

Sa Araw ng mga Bayani, huwag lang tayong tumingin sa malalaking monumento ng nakaraan. Lumingon tayo sa ating tabi, sa mga kalsadang ating tinatahak, at sa loob ng ating tahanan. Dahil ang pinakadakilang marka ng isang bayani ay hindi nakaukit sa matigas na tanso, kundi sa buhay ng mga taong kaniyang patuloy na itinatawid at minamahal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *