
Huwag isugal ang kaligtasan
Huwag isugal ang kaligtasan
Hindi lahat ng unos ay nagsisimula kapag marami na ang apektado; minsan, nag-uugat ito sa desisyong huli nang dumating.
“I have learned that when it comes to the safety of our students, we need to take that uncertainty very seriously and, where circumstances warrant, be more conservative in our decisions rather than leave too much to chance.”
Marami ang pumuri sa naging tugon ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa isang open letter post ng estudyante na nagpahayag ng pagkadismaya sa late suspension habang malakas ang ulan at bumabaha sa iba’t ibang parte ng siyudad. Ikinatuwa ito ng netizens dahil sa pagiging bukas, accountable, at makatao sa pagtanggap ng puna. Pero hindi dito dapat magwakas ang usapan, kailangan ng mas malalim na pagsusuri sa paraan ng pagdedesisyon ng mga lokal na pamahalaan.
Kung kaligtasan ng mga estudyante ang pinag-uusapan, hindi sapat na marunong lang tayong umamin kapag nagkamali—kailangan din nating matutong kumilos nang mas maaga.
Nitong mga nagdaang araw, sentro ng usapin ang epekto ng late suspension sa mga estudyante. Gaya ng binigyang-diin sa open letter, hindi naman lahat ay may pribadong sasakyan na naghihintay sa labas ng paaralan. Marami ang commuter o naglalakad pauwi. Kapag malakas ang ulan at nagsisimula nang bumaha, hindi na lamang abala sa pag-commute ang pinag-uusapan—ligtas pa bang makauuwi ang mga estudyante?
Tila hindi na isasaalang-alang na mas nagiging delikado ang afternoon suspension. Kapag sabay-sabay nang nagsisiuwian ang mga estudyante, sabay-sabay ding napupuno ang mga lansangan at pampublikong sasakyan. Sa halip na maiwasan ang panganib, maaari pa itong maging dahilan upang mas maraming estudyante ang maipit sa trapiko, mabasa, o ma-stranded habang patuloy na lumalala ang kondisyon.
Batay sa Science Garden Station sa DOST-PAGASA Compound sa Quezon City nitong Agosto 17, umabot sa mahigit 200 millimeters ang ulan sa loob lamang ng limang oras. Noong 2009, nagdala ng 455 millimeters ng ulan ang Bagyong Ondoy sa loob ng 24 oras na nagdulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at mga karatig-lugar. Kung susuriin, halos kalahati ng ulan na ibinuhos ni Ondoy sa loob ng isang araw ay naitala sa Quezon City sa loob lamang ng limang oras. Sa ganitong tindi at bilis ng pag-ulan, hindi na sapat ang paghihintay sa pinakamasamang kondisyon bago kumilos.
Sa pagpatak ng tanghali hanggang alas-2 ng hapon, nakapagtala ng 138 millimeters ng ulan. Paliwanag ng Metropolitan Manila Development Authority, mabilis na tumaas ang tubig at nagdulot ng pagbaha sa mga na lugar sa Metro Manila.
Sa ganitong kondisyon, mahalaga ang bawat oras na naibibigay sa bawat pamilya upang makapagdesisyon kung aalis, susundo, o mananatili muna sa ligtas na lugar. Hindi rin pare-pareho ang kalagayan nila: may mga magulang na kailangang pumasok sa trabaho at hindi basta-bastang makakaalis upang sunduin ang kanilang mga anak, at may iba namang walang sariling sasakyan at kailangang umasa sa pampublikong transportasyon.
Paano ang estudyanteng kailangang makipagsiksikan sa jeep, maghintay ng tricycle, o maglakad sa baha? Hindi na nila iniisip ang gastos sa pag-commute dahil ang mahalagang tanong dito ay kung makauuwi pa ba sila nang ligtas.
Sa kabilang dako, nanganganib naman ang learning loss sa mga suspension. Nagbabala na ang Second Congressional Commission on Education na ang paulit-ulit na pagkansela ng klase ay maaaring lalong magpalala sa umiiral na learning crisis sa bansa. Ngunit hindi ibig sabihin nito na dapat isakripisyo ang kaligtasan para lamang makapasok. Bagkus, ipinakikita nito kung bakit kailangang maging mas maagap ang sistema.
Kung maaga sanang natutukoy ang mataas na posibilidad ng masamang panahon, mas may pagkakataong makapaghanda ang mga paaralan para sa online o iba pang alternative delivery modes. Sa ganitong paraan, maaari pang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante nang hindi tuluyang napuputol ang kanilang pagkatuto.
May punto naman ang Malacañang sa pahayag ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na kailangang umasa ang pamahalaan sa impormasyon at rekomendasyon ng mga kinauukulang ahensya bago magdesisyon. Totoong mahirap hulaan ang eksaktong oras at tindi ng ulan. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na kailangang antabayanan muna ang pinakamasamang sitwasyon bago magdesisyon. Kailangan pa bang hintayin muna ang eksaktong minuto kung kailan babagsak ang ulan bago ang pagsasaalang-alang sa suspension?
Kaya mahalagang bahagi rito ang DepEd Order No. 37, s. 2022, na nagtatakda ng mga panuntunan sa pagsususpinde ng klase at trabaho dahil sa mga bagyo, malakas na ulan, pagbaha, at iba pang kalamidad. Sa ilalim ng kautusan, awtomatikong kinakansela ang in-person, online classes, at public work mula Kindergarten hanggang Grade 12 at Alternative Learning System kapag ang Local Government Unit (LGU) ay nakatanggap ng Orange o Red Rainfall Warning mula sa PAGASA. Kapag Yellow Rainfall Warning naman, nasa local chief executive na ang pagpapasya ng suspension.
Ibig sabihin, dapat samahan ng pagsusuri ng pamahalaan ang aktuwal na sitwasyon sa bawat lugar: gaano kabilis tumataas ang baha, aling mga kalsada ang hindi na madaanan, gaano karaming estudyante ang bumibiyahe, at ano ang inaasahang kondisyon sa mga susunod na oras o araw.
Hindi lamang ito usapin sa isang alkalde. Panawagan ito sa lahat ng LGU at maging sa mga nakaupo sa gobyerno: pagbutihin pa ang sistema. Dapat magkaroon ng mas malinaw at koordinadong proseso para sa preventive suspension na hindi lamang nakabatay sa kasalukuyang rainfall warning, kundi isinasaalang-alang din ang weather forecasts, flood-prone areas, traffic conditions, road accessibility, at inaasahang tindi ng pag-ulan.
Kung sapat naman ang confidence sa forecast, dapat pag-aralan ang posibilidad ng mas maagang anunsyo. Hindi man ito garantiya na eksaktong ganoon ang magiging panahon, makapagbibigay naman ito ng sapat na oras sa mga pamilya na maghanda. At kapag kinakailangan ang suspension, dapat itong sabayan agad ng malinaw na plano para sa alternative learning modalities.
Hindi naman hinihingi ang suspension palagi sa bawat buhos ng ulan. Nauunawaan na may kapalit ang bawat araw na walang face-to-face classes. Ngunit hindi rin dapat maging kapalit ng learning continuity ang kaligtasan ng estudyante. Ang mahusay na sistema ay hindi lamang marunong magsuspinde kapag baha na, marunong itong kumilatis ng panganib bago pa mahuli ang lahat.
Hindi kailangang ipagsawalambahala ang pagiging accountable ng alkalde. Ngunit hindi rin kailangang hanggang “we will do better” lang. Kailangan ng konkretong pagbabago pagkatapos ng pagkakamali. Hindi man tiyak ang lagay ng panahon, mabuti nang mas maagang maghanda kaysa sa huling pagdedesisyon. Maaari namang mahabol ang suspension, ngunit kapag nalagay na sa panganib ang kaligtasan ng estudyante, wala nang pagkakataong bumawi pa.