
Sapagkat hindi lang naman para sa akin ang pangarap na ‘to
Sapagkat hindi lang naman para sa akin ang pangarap na ‘to
| Carl Castro
“UP cutie.”
Linyahang madalas kong makita sa social media. Ngunit sa likod ng paghahangad na ito ay isang mas malalim na katanungan ang pumapasok sa aking isipan: “Sino nga ba ako kung hindi ko makakamit ang pangarap na maging iskolar ng bayan?”
Alas-tres na naman ng madaling-araw, tila ba’y isa itong hindi natatapos na siklo ng aking buhay na sa iisang oras at iisa rin ang aking mga nakikita.
Sa kwartong nababalot ng dilim, tanging liwanag na nanggagaling lamang sa laptop ang nakatutok sa mukha kong puyat. Sa pikit-matang pagkurap, huling-huli ko sa madilim na screen ang sarili kong repleksyon—may malalalim na itim sa ilalim ng mga mata, namumutlang labi, at titig na halatang ubos na ubos na sa mga gawaing hindi natatapos. Kasabay nito, ang bawat paggalaw ng kamay ng lumang orasan sa dingding na minu-minuto kong tinitingnan dahil bawat segundo, ramdam kong gumagapang sa katawan ko ang kaba—ipinaaalalang nauubos na naman ang oras.
May mga gabing naninikip na lang bigla ang dibdib ko kahit nakaupo lang naman ako. Walang multo, walang anino, kundi isang higanteng bigat na pasan-pasan ko at lahat na mga inaasahan nilang nakadagan sa balikat ko.
Bawat pagpatak ng segundo sa orasan ay tila isang paalala na ang mga natitirang oras ay nauubos na. Habang nakaupo ako rito sa harap ng aking mga aralin, ramdam ko ang bigat ng paligid—hindi ito takot na bumagsak sa pagsusulit dahil alam kong makakabawi ako; ito ay takot na mabigo ang mga taong umaasa sa akin.
Minsa’y may nagtanong sa akin: Bakit ka ba naprepressure sa bawat gawain natin sa school? Buhay ay ‘di karera ika nga nila.
Naalala ko yung tanong ng kaklase ko habang nakaupo kami sa bleachers noong Grade 10 pa ako. Napatingin lang ako sa kaniya at napangiti nang pilit. Naisip ko lang: Madaling sabihing buhay ay hindi karera kung may nakahanda ka nang sasakyang maghahatid sa ‘yo sa iyong nais puntahan.
Pero para sa akin na bitbit ang buong pangarap at inaasahan ng aking pamilya, kailangan kong tumakbo. Ang matinding panggigiit ng mga aralin kong ito para sa entrance exam ay alam kong hindi lang tungkol sa mataas na markang kailangan kong makuha. Hindi lang basta papel ang test paper; ito ang aming bangka. Ang Mongol 2 na lapit naman na hawak ng nanginginig kong daliri ang aming sagwan para maiahon ang pamilya ko.
Ayon sa mga pag-aaral nina Hengyu Hu, ang academic pressure na nararamdaman ng bawat estudyante ay madalas na nag-uugat sa family expectations. Sa bawat pagpasok ko sa eskwela, nakikita ko ang mga estudyanteng nagdadala ang reviewer o libro nila na para sa entrance exam. Minsan pa nga’y kahit sa harap ng aming kinakain may isang bigla-biglang magtatanong: “Nakapag-review na ba kayo para sa UPCat?” Hindi ako makaimik dahil tila walang boses na lumalabas sa aking lalamunan dahil sa pangamba na baka napag-iiwanan na naman ako at baka maiwan na naman ako sa laylayan ng buhay na nagpapaalala sa akin na kulang ako.
Kapag nakatingin ako sa mga pahina ng mga reviewer, tila lumalabo ang mga formulas at grammar rules na nakikita ko dahil mas nangingibabaw sa utak ko ang mukha ni Papa na nagtatrabaho nang overtime at ang mga pangaral ni Mama na huwag sayangin ang pagkakataon na nakakapag-aral ako. Sabi nga nila, hangga’t may nagpapaaral ay mag-aral.
Samantala, ayon sa pananaliksik nina Albener, ang kawalan ng maayos na pagbabalanse ng oras ay humahantong sa hindi sapat na panahon ng paghahanda, na siya namang nagiging dahilan sa mas mataas na antas ng test anxiety. Hindi ito simpleng kaba; ito ay bigat ng responsibilidad na pasan natin kahit hindi pa man tayo nakakatapos ng high school.
Minsan, gusto ko na lang bitawan ang ballpen at huminga nang malalim. Gusto kong sabihin sa sarili ko na “tao lang ako, napapagod din ako,” pero ang boses ng mga taong nagtitiwala sa akin ay mas ang nagiging dahilan ng pagsasawalang-bahala ko sa pagod ko. Ang pangarap na ito ay naging isang obligasyon—ang pasanin na kailangang dalhin nang may ngiti kahit sa likod nito ay puno ng alon ng luha na lumulunod sa akin.
Dahan-dahan kong inilapit ang kamay ko sa mouse. Sa huling pagkakataon bago ako magsimulang muli sa pag-re-review, tinitigan kong muli ang repleksyon ko sa madilim na screen ng laptop. At doon ko napagtanto ang isang bagay na matagal ko nang pinalalampas at sinasawalang-bahala.
Ang nakatitig pala sa akin mula sa madilim na screen ay hindi ang anino ng takot ko, at lalong hindi ang ekspektasyon ng ibang tao.
Kundi ako ‘yun—buhay, humihinga, at patuloy na lumalaban dahil may pag-asa pa para magpatuloy sa buhay na iraos sila sa laylayan.
Yung tuloy-tuloy na pag-ikot ng orasan sa dingding, tumigil na sa pagsisilbing diin sa utak ko na nauubos na ang oras. Hindi pala ako nauubusan ng panahon. Ang bawat patak ng segundo ay hindi pagkawala—bawat pitik nito ay ang mismong pag-indayog ng alon na nagtutulak sa akin paitaas. Ang oras ay hindi kalaban; ito ang ilog na nagpapadaloy sa akin patungo sa aming mga pangarap.
Ibinaba ko ang tingin sa reviewer na nakalatag sa mesa. Sa gitna ng dilim at pagod, mas luminaw ang lahat. Ang test paper na ito ang aming bangka—ang sasakyang magtatawid sa amin mula sa dalampasigan ng hirap at pagtitiis. At ang lapis na hawak ko? Ito ang aking sagwan, at ang bawat sagot na isusulat ko ay dagdag na tinta sa kuwentong ako mismo ang gumuguhit.
Hinawakan ko ito nang mas mahigpit. Nawala ang pangangatog ng aking mga daliri, napalitan ng hindi matitinag na pag-asa.
Tumingin ako muli sa nag-iisang liwanag ng screen. Pinunasan ko ang mga matang halos sumuko na at muling huminga nang malalim. Sa bawat gabing pinipili kong lumaban, hindi lang pangarap ko ang isinasalba ko—kundi ang kinabukasan ng pamilyang matagal nang umaasang may makakatawid sa kabilang pampang.
At balang araw, ang pinakamatamis na pangungusap na mabibitawan ko ay hindi na panalangin, kundi katotohanan:
“Ma, Pa… iskolar na ako!”