
Sabayang Pagbigkas, Sabayang Lakas: Mag-aaral ng GS-JHS nagpasiklab ng Tindig at Tinig
| Jayden Tuñacao, Quisha Ablao, Elyssa Flores
Photos edited by John Dale Legaspi, Brent Javillo
Ipinakita ng mga mag-aaral ng Grade School at Junior High School sa JCA ang kanilang talento at pagkakaisa sa pamamagitan ng sabayang pagbigkas para sa Buwan ng Wika sa Skyline noong ika-27 at ika-28 ng Agosto, 2025.
Ginamit ng mga mag-aaral ang sining ng pagbigkas hindi lamang upang ipakita ang kanilang talento at pagkakaisa, kundi upang magbigay-diin din sa mahahalagang isyu ng lipunan at pagpapahalaga sa sariling wika.
Ipinamalas ng mga mag-aaral mula Baitang 2–6 ang kanilang pagkamalikhain sa kasuotan, pag-awit, pagsayaw, at pagsasadula ng mga tulang tumatalakay sa kahalagahan ng Filipino bilang wika ng pagkakaisa.
“Para sa akin ang presentasyon namin ay maayos at maganda tingnan. Ito ay tungkol sa pagpapahalaga sa sariling wika,” pahayag ni Psalm Castillo, isang mag-aaral mula 6-Purity.
Samantala, ang mga mag-aaral ng Baitang 9 at 10 ay nagbigay-buhay naman sa tulang “Ang Laya ay Hindi Layaw” ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio S. Almario o Rio Alma. Sa pamamagitan ng masidhing tinig at sabayang kilos, kanilang naipahayag ang mga adhikain ng kabataan para sa kalayaan at hustisya.
Ayon kay Frei Sandan mula 10-Victorious, “We all felt a victorious sense of achievement, as my class has been spending so much time, effort, and energy to perfect our performance idea by idea, word by word, and step by step.”
Pinangasiwaan ng mga hurado na sina Gng. Marife Jagto, Bb. Sherlyn Serrano, G. Samuel Soliven, G. Sundae Burce, at Gng. Cyrel Gemaniano-Tajanlangit ang pagtatanghal ng GS at JHS.
Higit pa sa kumpetisyon, nagsilbing mabisang plataporma ang Sabayang Pagbigkas upang marinig ang tinig ng kabataan—isang kolektibong tinig na nagpapaalala sa lipunan na ang wika, kalayaan, at pagkakaisa ay mananatiling haligi ng ating pagkatao bilang Pilipino.
Iaanunsyo ang mga nagwagi sa parehong patimpalak sa unang palatuntunang kapilya sa Setyembre 3, 2025.



