Oras na Maningil

| Prince Elmar Eliang

“Sapat na ang katiwalian.”

Mula estudyante, manggagawa, at iba’t ibang relihiyon, dala sa dumaang mobilisasyon ang bigat ng galit pagkadismaya sa katiwalian at ang hangad ng pagbabago. Sa kasagsagan gn ika-53 taong anibersaryo ng Martilaw Law, isinagawa ang “Trillion Peso March” ng Catholic at Evangelical churches sa EDSA People Power Monument habang isinulong naman ng libo-libong estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad ang “Baha sa Luneta.” Magkaibang lugar pero iisa ang panawagan: magkaroon ng transparency, hustisya, at managot ang mga sangkot sa korapsyon.

Pagod na ang mga tao. Pagod na sa mga deka-dekadang pangako na puno pa rin ng katiwalian, nepotismo, at pulitikong kontrata na hindi para bayan kundi para sa mga sariling bulsa. Hindi ito laban ng iisang sektor o paniniwala kundi ng buong sambayanang Pilipino

Bilyon-bilyong piso ang nasayang sa mga flood-control projects—pondo na sinasabing ninakaw o ginamit sa substandard na mga proyekto. Mga proyektong dapat sana’y magbibigay proteksyon sa mga mamamayan, pondong nawala dahil sa kasakiman. 

Sama-samang nagsasalita ang religous leaders mula sa iba’t ibang denominasyon, civild organizationsl, mga unibersidad, mga mag-aaral, at mga manggagawa. Ang Church Leaders Council for National Transformation, mga grupo ng simbahan ay nagsabing ang katiwalian ay hindi simpleng isyu ng pera, ito ay moral na krimen na pumapatay sa mga mahihirap at sumisira sa tiwala ng mamamayan. 

Hindi maaaring manatiling tahimik ang moral na gabay ng bansa habang ang kapangyarihan ay ginagamit para sa sariling interes. Kapag ang simbahan ay nakikibaka sa lansangan, pinaglalaban nito na ang katiwalian ay hindi lamang krimen sa batas kundi kasalanan sa konsensya ng bawat Pilipino, at obligasyon ng bawat mamamayan na tumindig laban dito.

Idiniin din ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na “corruption is not just about stolen money—it is about stolen futures: flooded homes, poisoned lands, wasted opportunities for our children.” Maging ang Philippine Council of Evangelical Churches ay nanindig upang wakasan ang harap-harapang pagnanakaw.

Hindi na ito usaping pulitika lamang, isa itong panlipunang kasalanan na kailangang sugpuin. Ang pananahimik ay pakikipagsabwatan; ang pagtindig, obligasyon ng pananampalataya. 

Ang pagkilos ng mga relihiyosong grupo ay ang magbabago sa timbangan ng laban: mula sa simpleng protesta, nagiging pambansang paniningil. Sa tuwing ang simbahan ay nakikibaka kasama ang taumbayan, lumalakas ang presyur sa pamahalaan na kumilos, dahil hindi lamang mga aktibista o estudyante ang humihingi ng hustisya, kundi mismong institusyong humuhubog sa pananampalataya at kosensya ng milyun-milyong Pilipino.

Hindi dapat matapos sa protesta ang laban.

Kailangan may malinaw na imbestigasyon, may mga taong mananagot, may pagsisiwalat ng mga contractor, may reporma sa pangangalaga ng pondo ng publiko. Kailangang hindi bumalik sa dati, sa mga proyekto na sinasabing isasagawa pero nauuwi sa hangis; sa mga pangako na salita lamang. Ang pagkakaisa ay nagsisimula nang magbunga ng pagbabago kapag ang boses ng bayan ay naging kapangyarihan ng hustisya.

Sapat na ang katiwalian.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *