
Lingid na Bayani
| Jhon Paul Fabiaña
Disenyo ni Princess Idulan
“Bayang magiliw, perlas ng silanganan…”
Dali-dali kong hininto ang paspasan kong takbo nang marinig ang Lupang Hinirang sa aming flag retreat. Naiwan akong kumakanta sa tabi ng paskilan ng mga anunsyo kung saan tanging gwardya na lamang ang nakakakita sa akin. Kahit walang nakamasid, nanatili ako sa aking kinatatayuan—bilang paggalang sa ating bansa at sa mga bayaning nagsakripisyo upang maranasan natin ang kalayaang tinatamasa ngayon.
Habang ako ay nakatayo, pinagmamasdan ko rin sa paskilang ‘yon ang mga aktibidad at mga patimpalak ngayong buwan. Agosto na pala! Muli na naman nating gugunitahin ang ating identidad bilang Pilipino at kikilalanin ang mga bayaning nagpakita ng tapang, talino, at nasyonalismo.
Karaniwang pumapasok sa ating isipan ‘pag usaping bayani sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, at marami pang iba. Madalas pa ngang pinagdedebatihan sa mga kampus kung sino sa kanila ang may pinakamalaking kontribusyon at nararapat lamang na kilalanin bilang pambansang bayani. Bagaman wala pang batas para sa opisyal na pambansang bayani, hindi pa rin matatawaran ang kanilang sakripisyo at pag-aalsa laban sa mga dayuhan. Subalit sa likod kaya ng mga pahina ng kasaysayan ay sino pa ang Pilipinong lumaban para sa bayan na hanggang ngayon ay hindi napapansin?
“FHIUUUUUUUUUUUU!”
Hala, nagsisilabasan na ang mga estudyante! Kanina pa pala natapos ang awitin kaya’t pumito na sa akin ang gwardya upang makauwi na. Napatagal yata ang pagtitig ko sa paskilan na para bang may gusto itong sabihin.
Habang naglalakad na ako papunta sa sakayan, dali-dali kong binuksan ang aking selpon upang saliksikin ang tanong na umiikot sa aking isipan. Unang bumungad sa akin ang ‘8 Unsung Regional Heroes Who Deserve to be Celebrated’ na inilabas ng Esquire Philippines, at si Colonel Faustino Guillermo ang unang pumukaw ng aking atensyon.
Ayon sa publikason, si Guillermo ay isang rebolusyonaryo na ipinanganak noong 1860 sa Sampaloc, Maynila. Bilang katipunero, nakipaghimagsikan siya kasama sina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto laban sa mga kastila. Taong 1900, siya ay sumuko sa mga Amerikano sa Malabon at nanumpa ng katapatan sa Estados Unidos. Nanirahan siya sa San Francisco Del Monte, Morong Province at palihim na nanghihikayat ng kalalakihan upang patuloy na makipaglaban sa mga dayuhan.
Dahil dito, siya ay inaresto ng Filipino Policy of Sampaloc noong 1901. Pagkalipas ng tatlong buwan, pinalaya rin siya ni Lieutenant Lucien Sweet ng Municipal Secret police kung saan siya inatasan na maging espiya para sa kanila. Ngunit, ipinakita pa rin niya ang kaniyang paninindigan para sa bayan dahil bumalik siya sa San Francisco Belmonte upang muling hikayatin ang kaniyang kaibigan at iba pang kasamahan na lumaban sa mga Amerikano.
“BEEEEEEPP!”
Ay! Muntik ko pang mahulog ang aking selpon nang marinig ang busina ng dyip. Nagmadali naman akong sumakay kahit ito’y puno na ng mga trabahador at estudyanteng kapwa pagod din. Pagka-abot ko ng bayad, muli akong bumalik sa aking binabasa dahil nagiging interesado na ito.
Napadpad naman ako sa malalim na pananaliksik ng isang blogger na si M.O. Dwill, awtor ng Dwill’s Break, at doon ikinuwento niya ang mga aktibidad at pag-aalsa ni Guillermo kasama ang kaniyang nabuong grupo. Pagsapit ng 1902, sumanib siya sa puwersa ni Heneral Luciano San Miguel, kung saan siya ginawaran ng ranggong Lieutenant Colonel.
Kaagapay si Hen. San Muguel, pinamunuan nila ang isang grupong binansagang ‘Diliman Gang’ ng awtoridad ng Amerika. Nakipaglaban sila sa hindi bababa sa 15 sagupaan laban sa Philippine Constabulary (PC) at Philippine Scouts sa mga lalawigan ng Rizal at Bulacan.
Ngunit dumating ang trahedya sa Marikina, Rizal nang masalakay sila ng First at Fourth Companies ng Philippine Scouts sa pamumuno nina Tinyente James Reese at Heneral Frank Nickerson. Namatay si Heneral San Miguel kabilang ang 34 na tauhan, habang nakatakas naman ang iba kasama si Guillermo patungong Mt. Laniting sa Antipolo.
Batay sa komprehensibong ulat ng Jur.Ph, isang legal na platapormang sa larangan ng batas sa Pilipinas, nahuli pa rin Colonel Guillermo kasama ang iba pang miyembro noong Hunyo 10, 1903 ng PC. Sila ay kinasuhan ng bandolerismo batay sa “Bandolero Act” ng mga Amerikano—isang batas na layong ituring na mga kriminal ang sinumang patuloy na lumalaban sa kanila. Ang kaniyang kaso ay pinagtibay sa ilalim ng Act Number 518 at isinailalim sa paglilitis sa Court of First Instance ng Lalawigan ng Rizal noong Oktubre 24, 1903. Kabilang ito sa kasong naka-rehistro bilang General Register (GR) No. 1620 at nirepaso ng Kataas-taasang Hukuman sa ilalim ng Act No. 194.
Sa paglilitis, isinampa ng prosekusyon ang kanyang kusang-loob na pag-amin ukol sa kaniyang mga ginawa na taliwas sa batas ng gobyerno. Pinatotohanan naman ito ng mga saksi gaya nina Rafael Crame, Benancio Bartolome, at Isabela de los Reyes na naglahad ng karahasang dinanas mula sa kanyang pangkat.
Hinahatulan ng hukuman si Guillermo ng kamatayan noong Oktubre 24, 1903 habang ang ibang kasamahan ay nahatulan ng reclusion perpetua o pangmatagalang pagkakabilanggo. Mayo 20, 1904, binitay si Col. Guillermo sa pampublikong liwasan ng Pasig, Rizal sa edad na 44.
“Para po!”
Sa aking paglalakad pauwi, ramdam ko pa rin ang bigat ng kasaysayang aking natuklasan. Muling sumagi sa aking isipan ang unang linya ng ating pambansang awit. Napagtanto ko na ang ganitong pag-ibig sa bayan ay hindi nasusukat sa titulo o tagumpay sa labanan—bagkus sa tapang na magpatuloy kahit imposibleng magtagumpay. Hindi lahat ng bayani ay nakaukit sa mga aklat; may mga bayani sa katahimikan, sa lansangan, sa loob ng tahanan, paaralan, at kahit pa sa ibang bansa—mga bayaning patuloy na lumalaban para sa karamihan.
Ngayon, sa tuwing maririnig ko ang Lupang Hinirang, mananatili akong nakatayo at buong pusong aawit hindi lamang para sa mga pangalan na ating kabisado, kundi para rin sa bayaning si Col. Faustino Guillermo at sa mga modernong bayani—na buong puso’t lakas na iniaalay ang sarili para sa kalayaan ng mga Pilipino—para sa Bayang magiliw, perlas ng Silanganan.