
Bukas na Kinabukasan
Bukas na Kinabukasan
Mula noon hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa karamihan, lalo na sa mga kabataan, kung bakit kailangan pang mag-aral—para saan?
Maaari naman kasing dumiretso na lang sa trabaho upang kumita at matustusan ang pangangailangan sa pang-araw-araw. Pero kailangan pa rin palang matutong bumasa ng ABaKaDa, magbilang ng numero, at umintindi ng parirala para mapunta sa tama at maayos na kinabukasan.
Noong elementarya, hindi na bago sa atin ang pagbabasa sa pisara, kuwaderno, at libro. Kadalasan pa nga, ang mga guro ay hindi agad nagpapalabas ng silid dahil kailangan munang makabasa ng mga estudyante kahit isang pangungusap sa libro, na para bang mga ibon na nasa hawla.
Marami ang nakababasa agad, kaya mabilis silang pinalalabas ng silid. Samantala, may iba ring hindi nakababasa kahit simpleng tunog lang ng letrang A sa pisara. Maaaring dahilan nito ang kanilang kinakain.
Ayon sa artikulo ni Laura Williamson ng American Heart Association noong 2024, malaki ang epekto sa utak ng isang bata ang nutrisyong kinakain nito. Nakatutulong ang pagkain ng tamang nutrisyon sa academic performance at napapanatili nito ang maayos na proseso ng utak.
Kung ang ibang estudyante ay nakalalabas agad sa apat na sulok ng silid, ang iba naman ay nananatili pa rin. Nagbabasa pa rin nang paulit-ulit kung saan nakatutok ang hintuturo ng guro, na halos sampung minuto na ang abutin para lang sa mga lerang hindi mabigkas nang maayos.
Karaniwan sa mga estudyanteng ito ay maliit, payat, at laging matamlay. Madalas din kasali sa School-Based Feeding Program—ang programang nagbibigay ng libreng pagkain sa mga batang underweight o hindi pasok sa normal na tangkad ng isang bata.
Masarap ang pagkain sa mga feeding program ng paaralan—may mainit na sabaw, may makulay na gulay, at may kanin na bagong saing. Kataka-taka kung bakit hindi lahat ng bata ay naroon. Para lang pala ito sa mga batang nakararanas ng malnutrisyon.
Patuloy ang pagtaas ng malnutrisyon at pagkabansot sa Pilipinas. Tinatayang 24% ng mga batang edad lima pababa ang kabilang dito ayon sa Expanded National Nutrition Survey by the Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute noong nakaraang taon. Bukod sa katawan, apektado rin ang pag-unlad ng utak at kanilang pagkatuto.
Kung ang unang isang libong araw ng isang bata mula sa pagkasilang ay hindi natutukan at nabigyan ng sapat na nutrisyon sa katawan, maaaring humina ang utak nito hanggang sa paglaki at mahirapang makaunawa ng impormasyon bago pa man siya pumasok sa paaralan. Base sa ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), ang span na ito ay dapat bigyan ng sapat na pansin dahil ito ang simula ng kaniyang tamang paglaki, pagkatuto, at pagyabong ng utak.
Sa elementarya, kapag tapos na sa ABaKada, hahakbang na sa susunod na hagdan para sa kinabukasan. Ngunit nakapupukaw ng pansin ang iilang mga estudyanteng hindi marunong bumasa pero pumasa. Paano?
Ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), napipilitang gawin ng mga guro ang “mass promotion” kung saan pinapasa nila ang mga estudyante sa susunod na baitang kahit hindi nakababasa o hindi talaga natuto sa mga aralin. Sa kadahilanang nakaaapekto ang porsyento ng promotion at pagbagsak ng mga estudyante sa performance evaluation ng paaralan o ng mga mismong guro.
Naging normal na ang mass promotion sa bansa kahit wala namang sapat na natutunan. Ngunit noong nakaraang taon ay binago na ito base sa pahayag ni Education Secretary Sonny Angara, dahil dapat daw paghirapan ng estudyante ang promotion at dapat may tunay na pagkatuto.
Maaaring maraming masaksihan at matanong ang isang bata noong elementarya. At kung noon ay ganito na ang isang bata, siguradong pagtungtong nito sa ika-12 baitang, tuloy-tuloy pa rin ang kuryosidad nito—hindi nawawala. Kaya noong naglabas ng bagong ulat ang komite, marami sigurong nagkaroon ng bumbilya sa utak na inaantay umilaw habang hindi pa nasasagot ang mga bumabagabag dito.
“Turning Point: A Decade of Necessary Reforms” ang pamagat ng ulat. Ito ay nakapokus sa paglutas ng education crisis sa bansa. Sa sampung taong pagbibigay-pansin sa mga problema ng edukasyon, mula sa katiting hanggang sa malaking problema ay sana makita ng dalawang mata at mabigyan ng solusyon. Simula sa pagkababa ng porsyento ng pagkatuto mula baitang tatlo tungo sa baitang 12 hanggang sa malnutrisyong tumataas sa bansa, dahil malaki ang epekto nito sa pag-aaral ng mga bata.
Mula sa pag-aaral ng UNICEF Organization noong 2025, malaki ang epekto ng kinakaing nutrisyon ng isang bata sa utak nito. Isa rin sa mga dahilan ng malnutrisyon ay ang madalas na pagkain ng junk food o pagkain ng walang sapat na nutrisyon ng mga batang edad 5 hanggang 19. Kaya habang patuloy na umaangat ang baitang ng isang bata, patuloy rin ang pagbaba ng natututunan nito, depende sa nutrisyong nakukuha ng katawan.
Kaugnay nito ang inilabas na resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2022 kung saan ang Pilipinas ay nanatiling nasa ilalim, kumpara sa ibang bansa. Ibig sabihin, mababa ang pagkatuto ng mga mag-aaral sa mga asignaturang Mathematics, Science, at Reading Comprehension.
Noong nasa elementarya ang isang bata, aminin man natin o hindi, para silang mga tsismosa na maraming tanong at dapat laging may sagot. Bakit nga naman kailangan pang mag-aral? Simple lang pala, kasi mas kailangan ng bansa ang mga batang mapanuri, mulat, at marunong umintindi. Kailangan ng bansa ng marunong bumasa ng ABaKaDa, solusyunan ang mga numero sa pisara, at gumawa ng mga pangungusap nang may diin at pahiwatig para marinig ang mga boses na hindi naririnig. Hindi sapat ang dapat pumasa lang kapag nag-aaral—dapat nag-aaral para sa kinabukasan at para sa bansang sinilangan.