Yamang Wika
| Daniella Calipus, Ashley General
Guhit nina Marguelle Asuncion, Louise Canon
“Ring!” Nako! huli na ako sa klase ko! Hindi ko namalayan na tumatakbo na pala ang oras. Saglit nga at ako muna ay mag-iimpake ng kahandaan habang bitbit ang kaalaman tungo sa maunlad kong patutunguhan. Hindi rin nagtagal ay lumabas na ako ng aking tahanan at handa nang tahakin ang kinabukasan na sana ay maging matagumpay.
Naglalakad na ako sa daan papuntang paaralan. Bigla namang sumagi sa isipan ko ang buwan ngayon, “Buwan ng Wika na!”. Abot tainga ang aking mga ngiti sa kadahilanang paborito ko ang asignaturang Filipino at alam kong maipapasa ko ito. Nang bigla kong naisip ang malalim na kultura ng pintig at Wika ng mga Filipino. Ito ang Baybayin—tawag sa lumang sulat ng mga Pilipino na nais kong matutunan, ang mga salitang makikita lamang natin sa mga aklat na pahirapan pa kung humagilap at ang mga tula na kung saan minumungkahi natin ang nararamdaman sa pamamagitan ng pormal na pagsulat. Ganoon pala ang panahon noon, kailangan ko pang maging pormal sa lahat ng aspeto ng komunikasyon upang magkaroon ng pagkakaunawaan.
Habang ako ay nasa kalagitnaan ng pag-iisip, nakita ko ang tindahan ng mga libro—tindahan na puno ng kaalaman. Agad ko namang hinumok ang tindahan na iyon nang mayroong libro ng umakit sa aking mga mata na nakapatong sa ibabaw ng kabinet kung saan nakaukit ang salitang “Balarila,” ang kaayusan ng salita sa pagbuo ng pangungusap. Noong una hindi ko alam ang salitang iyon sapagkat malalim ito na tagalog. Ngunit nang aking buklatin ang pahina ay nakapaloob dito ang pagkakaugnay-ugnay ng salita na agad ko nang naintindihan dahil sa ayos ng pangungusap. Hindi lamang ito basta libro, tila pintuan ito tungo sa esensya ng ating Wika.
Galing ako sa tindahan na puno ng kaalaman, napadpad naman ako kung saan nakakita ako ng mga bata na naglalaro sa daan. “Petmalu! Solid ka talaga, Lodi!” Petmalu? Lumapet? Ah! Malupet! Kakaiba talaga ang naiimbentong mga salita. Ito ang ‘slang,’ kadalasan ginaagamit ng mga Gen Z. Hindi ko akalaing maiisip pa ng mga Pilipino ‘yan. Petmalu sila pagdating sa ganitong mga salita. Masasabi nating buhay na buhay pa rin talaga ang ating wika at patuloy na umuusbong sa kasalukuyan.
Bago ako makatawid, minamasid ko muna ang paligid kung saan nakikita ko ang bawat Pilipino na nag-uusap gamit ang sarili nating wika. May isang nanay akong nakita na may anak na nagsasalita ng Ingles. Maaaring natutunan ito sa panonood ng mga banyagang palabas. Nakakadagdag ng kaalaman kapag may iba pang alam na wika, ngunit huwag nating kalilimutan pagyamanin ang ating sariling wika dahil dito tayo lumaki, dito tayo nagmula.
Papasok na ako sa aming paaralan. Agad ko namang binati ang guwardya sa amin na hindi nagsasawang ngumiti sa mga estudyante at guro tuwing umaga. “Magandang Umaga, po!” simpleng pagbati ngunit punong-puno ng respeto na galing sa puso. Ang simpleng paggamit ng po at opo ay unti-unti nang nawawala, ngunit may iilan pa rin namang gumagamit pa nito upang magbigay respeto, lalong-lalo na sa mga nakatatanda.
Naglalakad na ako sa hagdan na hindi ko alam kung kailan matatapos ang angat at baba ng aking mga paa dahil sobrang taas ng palapag ng aming silid-aralan. Tanaw ko na ang kwarto na may apat na sulok kung saan nakita ko na rin ang aking mga kamag-aral. Filipino pala ang una naming asignatura, ang paborito ko. Agad ko namang kinuha ang kuwaderno at bolpen ko upang isulat ang mga sinasabi ng aking guro.
“Kung ikaw ang ating pambansang wika, ano ang mararamdaman mo sa kasalukuyan?” batid ng aming guro sa asignaturang Filipino. Ano nga ba ang mararamdaman ko? Ramdam kong ginagamit pa rin ang pambansang wika ngunit may iilan pa rin ang mas pinipili ay wikang banyaga. Kung ako ang pambansang wika, halo ang nararamdaman ko. Masaya ako dahil nagagamit pa rin ako sa pang-araw-araw. Natuturo pa rin ako sa mga estudyante sa paaralan. Malungkot ako dahil unti-unti na akong napapalitan. Ngunit sa kabila ng mga ito, kakaiba pa rin ako. Maganda at natatangi pa rin sa mata ng nakararami kaya patuloy pa rin sa pagyabong patungo sa iba’t ibang henerasyon.

