
Simpleng Salita Lamang
| Nicah Suarez
Layout by Elijah Jardinez
Demokratiko at republika ang Pilipinas sa madaming dahilan. Mga dahilan na dapat nating tandaan at isabuhay, dahil ito’y matagal nang pinaglaban ng ating mga ninuno. Mula sa panahon ng pananakop, hanggang sa paglabag sa karapatang pantao, korapsyon, at kawalan ng demokrasya, mahabang panahon na sumailalim ang Pilipinas.
Makikita sa Artikulo 2, Seksyon 1 ng Konstitusyon na nagsasabing ang soberanya o ultimong kapangyarihan ay magmumula sa mamamayang Pilipino, ang pamahalaan ay isang tagapangasiwa lamang at dapat pagsilbihan ang mga interes ng sangkatauhan.
Pero sa kasalukuyan, tila kabaliktaran ang nangyayari. Akala ko tayong taumbayan ang paglilingkuran? Maling Pilipinas ata ang tinitirhan ko, nakikita ko na mas alipin pa ang mamamayan. Ang saligang batas ay nagiging mga salita lamang, walang laman at walang bisa. Para saan pa ang batas kung hindi kayang isabuhay ng mga taong sinasakupan? Nakakalungkot, nakakadismaya, at nakakagalit.
Maging ang mga salita ng ilang kandidato, mga simpleng salita lamang. Kapag pinagsama, ang binanyagang demokratiko at republikang Pilipinas ay isang malaking biro na katawa-tawa.
Hindi sapat ang kalayaang mayroon tayo ngayon—hindi ako naghahangad ng mas higit pa, kundi hindi natin lubos na nagagamit ang kalayaan ng bawat isa. Dapat nating gamitin ito at ‘wag ipagkait sa nangangailangan. Tayo ang soberanya sa bansa, nararapat lang nating ihalal ang karapat-dapat sa posisyon, ang magsisilbi sa taumbayan.
Nasa kamay natin ang tatahaking kinabukasan ng bansa. May kalayaan ang bawat isa pumili ng pinunong maglilingkod. Dito pumapasok ang katagang “vote wisely,” kung saan lahat ay inaanyayahang bumoto nang matiwasay para sa mga karapat-dapat na pinuno. Ngunit, wala itong saysay.
Kahit ilan pang paalala o programa pa ang isagawa, wala itong bisa kung may mga taong pinipiling paglingkuran ang mga pinunong sinasamantala ang kapangyarihan para sa pansariling interes.
Walang mapagsamantalang pinuno ang mamamahala kung walang taong maglilingkod at hahayaang malagay ang bansa sa alanganin. Hindi mawawala ang mga ganiyang uri ng tao, iyon ang reyalidad. Hindi natin kailangang isa-walang bahala ang mga mahuhusay na lider. Gamitin natin ang binigay na kapangyarihan sa tama at sa ikabubuti—iyon ay ang ipinagkaloob ng bawat boto.
Tunay na ang demokrasya at republika ay nananatiling isang pangako na hindi pa natutupad. ‘Wag na natin idamay pa ang kinalalagyan ng lipunan sa paniniwalang “promises are meant to be broken.”
Hindi sapat ang pagpuna, kailangan natin ng matapang na pagkilos upang hindi mapako ang mga pangako. Tandaan na ang kinabukasan ng ating bansa ay nasa kamay natin, at ang pagbabago ay magsisimula lamang kung tayo mismo ang magiging pagbabago.