
Editoryal | Hustisya sa Bukid
By Prince Elmar Eliang
Cartoon by Marguelle Asuncion
Murang pag-aangkat, kakulangan ng suporta sa makinarya, mataas na gastos sa produksyon, ito ang mga tunay na kadena sa kahirapan sa bukid.
Patuloy nang nawawalan ng kita ang mga magsasaka dahil sa pagbaba ng mga bilihin dulot ng dayuhang produkto. Dagdag pa rito, inaasahan ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na babagsak ang presyo ng palay sa ₱17 hanggang ₱20 kada kilo, mas mababa kumpara sa gastusin sa produksyon. Sa ganitong kalagayan, paano pa aasahang lalago ang kanilang kita?
Hindi tamad ang magsasakang Pilipino. Sa ilalim ng araw, sa gitna ng baha, sa harap ng bagyo, patuloy silang nagtatanim. Ngunit wala ring saysay ang kanilang sakripisyo dahil sa kakulangan ng suporta, mataas na gastos sa produksyon, at kawalang katiyakan sa kita.
Noong 2024, naitala ang pinakamataas na bilang ng inangkat na bigas sa kasaysayan na umabot sa 4.68 milyong metrikong tonelada. Ayon sa Department of Agriculture, ang pagtaas ay dahil sa pagbaba ng lokal na produksyon at pagbaba ng taripa sa mula sa 35% patungong 15%. Sa halip na itaas ang lokal na produksyon at bigyang suporta ang mga magsasaka, mas pinili ng pamahalaan na umasa sa dayuhang suplay. Sa ganitong polisiya, hindi na nakakagulat kung bakit unti-unting nawawala sa merkado ang mga lokal na ani.
Lalo lamang naitataboy sa laylayan ang lokal na agrikultura dahil sa pagdami ng mga imported na produkto tulad ng bigas, mais, at gulay. Paano pa makasasabay kung ang sariling pamahalaan ay mas pinapaboran ang murang dayuhang ani kaysa ang sariling tubo?
Napipilitan na lang ang silang itapon at ipakain sa mga hayop ang mga hindi naibentang produkto—epekto ng mataas na import mula sa ibang bansa.
Pinalala pa ito ng kakulangan sa modernong kagamitan at kaalaman. Marami sa kanila ang nananatili sa tradisyunal na paraan ng pagsasaka dahil sa kawalan ng access sa makabagong teknolohiya. Kung tunay ang layunin ng pamahalaan na makamit ang food security, nararapat lamang na tiyaking makasasabay sa modernisasyon.
Mahina rin ang proteksyon mula sa pamahalaan, hindi sila ligtas. Ang ilan ay humaharap sa iba’t ibang banta ng karahasan, sapilitang pagsuko, at red-tagging. Paano pa sila makapagtatanim nang payapa kung mismong ang kanilang kaligtasan ay hindi tiyak?
Hanggang ngayon, ang dapat tutulong na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ay nananatiling isang bangungot. Sa halip na mapaunlad, marami pa rin ang walang hawak na titulo. Kung mayroon man, kulang sa access sa pautang, abono, binhi, at kaalaman sa makabagong teknolohiya. Hindi sapat ang pamamahagi ng lupa—kailangan ito ng kasamang komprehensibong suporta.
Dapat nating palakasin ang lokal na produksyon at bigyan ng sapat na tulong ang mga magsasaka.
Sa harap ng ganitong mga reyalidad, dapat manindigan ang pamahalaan. Hindi natin kailangan pumabor sa importasyon. Kailangan nitong talikuran at sa halip ay palakasin ang sariling sektor ng agrikultura. Kabilang dito ang pagbibigay ng subsidiya, makatarungang presyo ng ani, modernong kagamitan, edukasyong teknikal, at pangmatagalang proteksyon mula sa delubyong dulot ng merkado at kalikasan.
Ngayong Araw ng Paggawa, dapat isama sa ating paggunita ang mga magsasaka—mga bayani sa ating pagkain. Hindi sapat ang seremonyal na papuri. Ang tunay na pagkilala sa kanilang sakripisyo ay makikita sa mga polisiyang magpapagaan sa kanilang buhay at magpapalakas sa sektor ng agrikultura. Kailangan ng konkretong aksyon mula sa pamahalaan na itaas ang antas ng kanilang pamumuhay.